Saturday, February 14, 2009

pamahiin




Mayaman sa iba’t ibang tradisyon ang Pilipinas, kung gaano karami ang mga islang bumubuo dito ay ganun din kadami ang mga tradisyong sinusunod, at isa sa tradisyon dito ay ang paniniwala sa samo’t saring mga pamahiin, pamahiin na wala naman talagang matibay na basehan at kung sino ang nagpauso ng mga pamahiing ito ay di ko kilala. Ang hindi ko lang lubos maisip e kung baket marami rin ang naniniwala dito.

Bawal magwalis kung gabi:

Bawal magwalis kung gabi na, dahil inilalabas mo raw ang swerte. Paano kung kailangan mo talagang magwalis ng sahig dahil nakakita ka ng nilalanggam na patay na daga? Ipagpapabukas mo pa ba ito? May mga kilala akong adik na buong magdamag nagti-trip dahil hindi sila makatulog, ang pinagti-tripan nya magwalis nang magwalis hanggang umaga ng sahig nila kahit wala na itong kalat, pero hindi naman lumalabas ang swerte nila katunayan hanggang ngayon marami pa rin syang pera pambili ng droga.

Bawal tumuloy sa pupuntahan mo kapag nakasalubong ka ng pusang itim sa daan:

Ipinagbabawal ng matatanda na tumuloy ka sa lakad mo kung makakasalubong ka ng pusang itim sa dadaanan mo. Sinunod ko yang pamahiin na yan pero lalo akong napahamak, nasa inuman ako noon birthday kasi ng isa kong kaibigan, alas-8 ng gabi uuwi na sana ako para bago mag-alas 9 nasa bahay na ako, palabas na ako ng gate nila nang masalubong ko yung pusang itim ng kapitbahay nila kaya hindi na ako pinatuloy umuwi nung kaibigan ko, delikado daw kasi at wala namang mawawala kung maniniwala ako at susunod, kaya ang nangyari hindi na ako tumuloy sa pag-uwi sa halip magdamag na lang kaming uminum at iyon ang ikinadisgrasya ko paguwi ko ng bahay, nagulpe ako ng misis ko dahil magdamag na naman daw ako sa inuman. Ikakatwiran ko sanang nakasalubong ako ng pusang itim kaya di ako tumuloy sa pag-uwi ko kagabi, kaya lang minabuti kong manahimik na lang, kapag sinabi ko pa kasi yun baka lalo lang akong gulpihin at yun pa ang maging dahilan ng maagang kong kamatayan.

Bawal isukat ang damit pangkasal:

Bawal daw isukat ang damit pangkasal dahil hindi matutuloy ang kasal. Sino kayang sira-ulo ang nagpauso nito, isukat mo man o hindi ang damit pangkasal kung ayaw magpakasal nung babae o lalake tiyak walang kasalan na magaganap. Kwento nga nung isa kong kaklaseng may lahing intsik yung ate nya raw ipinagkasundo ng mga magulang nila na ipakasal doon sa anak ng kaibigan ng pamilya nila, ayaw sana nung ate nya dahil ang type yata nung ate nya e yung tricycle driver na namamasada ng tricycle nila. Lahat ng paraan gagawin nung ate nya wag lang matuloy na ikasal sya doon sa lalakeng hindi nya naman gusto, at para mapigilan at hindi matuloy yung nakatakda nilang kasal isinukat nung ate nya yung trahe de boda nya, pero sa awa ng Diyos 15-years nang kasal yung ate nya doon sa lalakeng ayaw nya dati at meron na silang anim na anak ngayon. Mahal na rin daw nung ate nya yung napangasawa nya.

Bata man dito sa Pinas may mga pamahiin na rin na pinaniniwalaan at sinusunod, ewan ko kung pauso lang ba yun o kung anu.. eto ilan sa mga yun…

Bawal ka hagbangan sa ulo, hindi ka na kasi lalaki pa at magiging unano ka:

Kapag hindi ka na lumaki o naging unano ka paglaki mo (huh? meron bang unano na lumaki) kulang ka sa growth hormones nun, yun lang dahilan nun! Kaya kapag hinagbangan ka ng kalaro mo kailangan kang hakbangan pabalik para mawala ang bisa nun at para hindi ka maging unano. Kaya kapag hinakbangan mo sa ulo ang kalaro mo siguradong away kapag di mo sya hinakbangan uli pabalik, at pag-bati na uli kayo maglalaro naman kayo ng luksong baka… hakbangan din yun diba? Mga bata nga naman…

Mag-drawing ng araw sa lupa para di matuloy ang ulan.

Nung bata ako sa kasagsagan ng laro namin biglang umambon, syempre badtrip ang mga mag-kakatropa, hihinto kasi ang masayang laro kapag bumuhos ang ulan, pwera na lang kung trip nyong maligo sa ulan. Pero syempre mas malamang na pauwiin kayo ng mga nanay nyo kapag umulan, kaya para di mabitin ang laro kelangan huminto ang ambon at sumikat uli si haring araw, sa pagkakataong yun kelangan nyong mag-drawing ng araw sa lupa pagkatapos duduraan nyo ito para daw mainsulto at magalit si araw para muli itong lumabas at mapigilan ang pagbaksak ng ulan. Pero infairness nung ginawa namin yun effective naman sya, hindi nga natuloy yung ulan. Palagay ko ito lang yung pamahiin na pinaniniwalaan ko, yung sun dance ni Sarah Geronimo wala yun… panis yun!

Maglagay ng krus sa talampakan kapag namamanhid ang paa mo:

Naranasan mo na bang mamanhid ang paa mo dahil siguro sa matagal mong pagkakaupo o kaya dahil sa maling posisyon ng mga binti mo nung maupo ka... yun bang ang pakiramdam mo ay may malaking party ng mga maliliit na bulate sa talampakan mo, at parang masakit na parang makati na parang nakakakiliti na parang… basta nakakairita kapag namamanhid ang paa mo. Alam mo ba sulusyon dyan? Nung bata pa ako kapag nararanasan ko yang pamamanhid ng paa magdo-drawing ako ng krus sa talampakan ko gamit ang laway ko, infairness effective din sya, pangalawa ito sa mga pamahiing pinaniniwalaan ko, minsan kapag namanhid ang paa nyo subukan nyo ito. Ang maniwala mamamanhid ang utak!

Balik tayo sa pamahiing pangmatanda, eto pa ilan sa mga pamahiing paborito ko, sini-search ko nga sa internet kung sino ang author nitong mga pamahiing ito…

Bawal ipasok sa bahay yung pagkaing galing sa lamay ng patay:

Noong nakaraang taon namatay yung kapitbahay namin (sumalangit nawa ang kaluluwa nya), bongang-bonga yung lamay -Nescafe 3-in-1 yung kape, sosyal! at nung araw na inilibing na yung patay andaming nakiramay at nakipaglibing. Pagbalik nung mga nakipaglibing galing sementeryo may inihandang pagkain yung may patay, afritada and rice na nakalagay sa styrofoam plate kagaya nung ginagamit sa mga fast food, at meron pang juice. Nung namimigay na ng pagkain yung namatayan agawan na yung mga gutom galing sa sementeryo, nakiagaw din ako (kahit di naman ako nakipaglibing) at dahil halos katapat lang nila yung bahay namin iuuwi ko sana yung pagkain dahil hindi pa talaga ako gutom, mimeryendahin ko na lang sana mamayang hapon. “Naku wag mong iuuwi yan! Masamang ipasok sa bahay yan!” sabi nung byanan ko nung makita nyang papasok sana ako sa bahay namin bitbit yung pagkain. Natawa na lang ako sa isip ko, bawal daw ipasok sa bahay pero pwedeng ipasok sa tiyan yung pagkain galing sa patay. Weird!

Bawal magwalis sa lamay:

Nung yun namang tatay ko ang sumakabilang buhay mas marami akong nalamang mga pamahiin. Bawal matulog lahat, kelangan may isa man lang gising na nagbabantay sa patay (tatakas ba yun at kelangan bantayan?) bawal mapatakan ng luha yung salamin ng ataol, (dapat yata ang patak ng luha mo pataas) At mahigpit na ipinagbabawal yung pagwawalis sa lamayan. E dahil sa bahay lang namin ibinurol yung tatay ko at napakaraming bata ang daladala nung mga kamag-anakan namin, ang dami ring nagkakalat ng kung anu-anu doon sa harap ng ataol ng tatay ko, santambak din ang basura syempre. Meron laglag na biskwit, may natapong orange juice at kape, meron pa nga akong pamangkin sa pinsan na doon pa nag-wee-wee sa carpet na ginagamit sa lamay. Wawalisin ko sana yung ilang basura para mabawasn naman yung mga kalat pero galit akong pinagbawalan nung mga tiyahin ko “baket magwawalis ka? “Wag mong gagawin yan, masama yan! tyak na may susunod na mamatay sa atin kung gagawin mo yan!” pero dahil likas na may katigasan ang ulo ko nung malingat yung mga tiyahin ko dali-dali kong winalis yung mga kalat at laglag na pagakain dahil pinagpi-fiesta-han na ito ng mga langgam at ipis, ang katwiran ko magwalis man ako o hindi sa ayaw man at sa gusto namin may susunod at susunod na mamatay, wala naman kasing may hawak ng buhay natin kundi ang Lumikha lamang. Ilang buwan na rin ang nakakaraan nung mailibing na rin ang tatay ko pero hanggang ngayon wala pa namang sumusunod sa amin, ewan ko lang sa susunod na buwan… hehehe

PS: Papa,

Kami na lang ang dadalaw sayo dyan sa sementeryo, wag lang ikaw ang dadalaw dito sa amin…

picture by: kamalayan www.flickr.com

kulang




Late 70’s nung iniluwal ako ng nanay ko, middle 80’s nung ako ay magsimulang mag-kaisip. Dahil dito sa Metro Manila ako ipinanganak kaya sanay na ako sa kalakaran ng buhay dito pero sawa na ako sa traffic, sawa na ako sa baha, sawa na rin akong makakita at makalanghap ng amoy ng tambak ng basura, sawa na rin akong makakita ng mga squatters, sawa na rin akong makakita ng mga bahay na di mo alam ang pagkakaiba nito sa tambak ng basura, sawa na rin akong makakita dito ng mga ilog na kulay itim at di umaagos ang tubig, sawa na rin akong pumunta sa mga lugar na halos kapantay na ng ulap ang mga gusali, sawa na rin akong dumaan at lumanghap ng mapangheng amoy sa gilid ng mga pader, sawa na rin akong maglakad sa malalawak ngunit siksikang mga lansangan na pinasikip ng mga illegal vendor na sumakop na sa daanan ng mga tao, sawa na rin akong dumaan sa mga lugar na ang mga nakatambay na kalalakihan ay tadtad ng mga tattoo at puro nakahubad, sawa na rin akong makakita ng mag taong grasa at pulubing sa mga sidewalk at overpass lang natutulog, sawa na rin ako sa lugar na puro upos ng sigarilyo balat ng iba’t-ibang kendi at chichiria o kaya naman ay dumi ng aso at bata, sawa na rin akong sumingot ng hanging kuntaminado ng pulusyonng dulot ng usok ng mga pabrika at usok ng mga kakarag-karag na sasakyan, sawa na ako sa ingay ng Metro Manila. Gusto ko ng break!

May mga pagkakataon na lumalabas din ako ng Metro Manila at nakakarating sa ilang probinsyang malapit lang rin dito, minsan nakakarating ako ng Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga at Zambales. Sa south naman Laguna, Quezon, Batangas at sa Mindoro. At ang pinakamalayo ko nang probinsyang narating e Samar, at isang taon din akong nakatira doon, yun kasi ang bayan ng nanay ko, at minsan na rin akong nakarating sa Leyte nung sumali ako sa isang drawing contest sa eskwelahan namin. Kapag nakakarating ako sa ibang lugar sa labas ng Metro Manila parang ayaw ko nang bumalik pa sa Manila, sawa na kasi talaga ako sa mga problemang nabangit ko sa unahan, minsan napadpad ako ng Tarlac, sa Conception Tarlac, isinama ako ng kaibigan ko noong minsang umuwi sya dun, patag na patag ang lugar nila, kahit saan ka lumingon berdeng bukirin ang makikita mo, meron namang parteng kulay ginto na dahil hinog na ang mga palay na pananim ng mga taga dun at mga bunton ng dayami ang madalas mong makita katabi ng mga kalabaw na nagpapahinga. Ang sarap ng pakiramdam kapag ganun kaaliwalas ang kapaligiran mo, sariwang hangin ang malalanghap mo, kaya bawat higit ko ng hininga sinisiguro kong pumapasok ito sa kaibuturan ng baga ko. Ang sarap sa pakiramdam ng sariwang hangin, pakiramdam ko lumalakas ako na parang si Popeye na nakakain ng spinach. Lalo na nung makarating kami sa bahay na pupuntahan namin. Bahay na yero nga ang bubong pero tabla ang dingding, may mataas na hagdan paakyat at may silong na lampas tao. Tablang kahoy din ang sahig nila na may kapirasong siwang kaya tagus-tagusan ang hangin. Pagkatapos naming mananghalian na ang ulam ay inihaw na tilapia na hinuli nila sa fish pound sa likod bahay mila bumaba muna ako at nag-tour sa di naman kalakihang bakuran nila, ang bahay nila halos di tinatamaan ng sinag ng araw kahit katanghaliang tapat dahil sa malalaking puno ng mangga at santol na nakatanin sa magkabilang gilid nito. Pinakuang kawayan na hanggang baywang ang taas ng pinaka bakod nila. Sa gilid ng bakod nila nakatanim yung ilang halaman na di ko alam ang pangalan pero maganda naman tingnan dahil sa kulay pula at kumpol-kumpol na bulaklak nito. Wala kang makitang ibang basura sa paligid nila kundi mga tuyong dahon ng punong mangga at santol, masarap sa balat ang malamig na hangin kapag umiihip, puro huni lang ng ibon ang maririnig mo. Sa tabing kalsada ang bahay nila at pagtawid mo ng kalsada isang tila walang katapusang kabukiran ang matatanaw mo. Sementadong ang kalsada sa harap nila pero halos mga taong sakay lang ng kalabaw ang dumadaan dito o kaya naman ay yung traktorang pambukid na nilagyan ng hinihilang parang kariton na maaaring sakyan ng mga 5 hanggang 7 katao. Kuliglig yata ang tawag sa sasakyang yun kung di ako nagkakamali. Paminsan minsan may mga tricycle din na dumadaan o kaya naman ay jeep na puno ng pasahero hanggang bubungan. Nung hapon na naglakadlakad kami, nakakapanibago talaga dahil hindi mga batang kalye ang patakbo-takbo sa sementadong kalsada nila kundi mga manok na habol habol nung isang matandang babae dahil pinapak nito palay nyang nakabilad at nakalatag sa gilid ng kalsada. Nung nag-aaway na ang dilim at liwanag umuwi na rin kami, alas-7 lang nung maghapunan kami, pakbet naman ang ulam, pinitas daw yung gulay na yun doon sa bukid na sinasaka nila. Pakbet tsaka yung tirang inihaw na tilapia na tira kaninang tanghalian… buUrrrrp! saaaarap! Nagkukwentuhan kami nung kaibigan ko habang nakaupo sa bintana nilang isang dipa kwadrado ang laki nang biglang bumuhos ang ulan, lalo kong naramdaman ang sarap ng pakiramdam habang nasa lugar nila, tahimik ang paligid wala kang maririnig na mga laseng na akala mo naghahamon ng away kung kumanta sa videoke sa kalagitnaan ng gabi. Patak ng ulan at huni ng mga kuliglig ang tanging maririnig mo, paminsan-minsan kahol ng mga aso at kokak ng mga palaka. Ang sarap ng tulog ko nung gabing yun, kinaumagahan ginising ako nung huni yata ng kung anung hayup, tuuuuffo! tuuuuuffo! nagtitinda pala ng pandesal yun, inilalako pa pala ang pandesal sa lugar nila. Alas-7 na yata yun nung bumangon ako, ako pala ang nahuli sa higaan. Pagkatapos maligo nag-almusal na kami, babalik na rin kasi kami nung kaibigan ko sa Maynila noong araw na yun. Tahimik na lugar, malinis ang hangin at kapaligiran, malayo ang nararating ng paningin ng mga mata mo at sariwang pagkain ang sarap ng ganung ambiance parang kahit may problema ka kaya mong lutasin agad dahil malaya kang makakapagisip. Ayaw ko pa sanang umalis nung araw na yun, itong kaibigan ko lang ang nagmamadali, kaya nga natanung ko sya bago kami umalis “baket ba nagmamadali ka? may gagawin ka ba sa Manila at nagmamadali kang makauwi?” wala, sagot nya “e baket ka nga nagmamadali” sawa na raw kasi sya sa buhay sa probinsya, "kahit saan ka tumingin puro bukid ang makikita mo, nakakabingi raw ang katahimikan dito pag-gabi, wala kang maririnig kundi huni ng mga kulisap at kokak ng mga palaka kung tag-ulan, wala daw mall sa lugar nila, walang bilyaran, ni wala nga raw eroplanong dumadaan sa bayan nila, puro pan de coco at pan de nora ang tinapay na mabibili mo sa mga panadirya wala man lang pizza pie o kaya kahit egg pie, puro AM lang ang makukuha mong istasyon sa radio walang FM, wala ring FX puro jeep na hanggang bubungan kung magsakay ng pasahero lang ang pwede mong sakyan, bukod daw dun sa sementadong kalsada sa tapat nila lahat ng pupuntahan mo maputik kapag umulan, mahina daw ang signal ng cellphone sa lugar nila dahil walng cell site na malapit, ang basketball court daw sa kanila hindi sementado kaya pagkatapos mong maglaro mukha ka na ring kalabaw, wala rin daw internet cafĂ© sa lugar nila, at sawang sawa na rin daw syang magbungkal ng lupa! Gusto nya raw ng break!

Habang nasa byahe kami pauwi naisip ko, siguro talagang ganun ang buhay ng tao, ang madalas mong makita ay yung kakulangan sa buhay mo, at kapag nabulag ka na ng mga pagkukulang na yan di mo na rin makikita yung mga bagay na meron ka. Pero sigurado ako isang araw hahanap-hanapin mo rin yung lugar na kinalakihan mo kasama na dun yung marami nyang kakulangan.

picture by: kamalayan www.flickr.com

tayomismo




Napakarami nating sinisisi sa mga di magagandang nangyayari sa buhay natin ngayon, isa sa una nating sinisisi -gobyerno. Hindi naman sa kinakampihan ko ang mga politiko pero di naman yata tamang lahat ng problema ay sa kanila dapat isisi, hindi naman kasi lahat ng politiko ay corrupt at magnanakaw (pero halos lahat… hehehe). Pero tanggapin natin madalas tayo mismo ang may dahilan kung bakit marami tayong problema, sabi nga dun sa isang libro, ang tunay nating kalaban ay hindi kumersyalisismo, hindi rin imperyalismo kundi tayo mismo! Isipin mo panay tayo reklamo na puro kurakot at magnanakaw ang mga namiminuno sa gobyerno natin pero tuwing eleksyon sila naman ang ibinoboto mo kapalit ng 500 piso. Panay ang reklamo natin tungkol sa traffic na araw-araw nating nararanasan e araw-araw ka rin tumatawid sa mga di tamang tawiran, may over pass naman pero mas gusto mong makipagpatintero sa mga sasakyan sa gitna ng kalsada, di ba’t isa rin yan sa dahilan ng traffic –mga commuters na walang disiplina. Kung saan mo gustong bumaba doon ka papara kahit na alam mo namang no loading and unloading zone doon. Ang resulta buhol-buhol na traffic tapos magrereklamo ka. Kung isa ka namang tsuper malamang isa ka rin sa panay ang reklamao na mahina ang kita dahil sa traffic pero ikaw mismo isang tsuper na di marunong sumunod sa mga traffic rules. Singit dito singit doon, hataw dito hataw doon, maya-maya banggaan dito bangaan doon tuloy ang nangyayari. Panay tayo reklamo dahil sa baha, pero kung magtapon tayo ng basura sa ilog ganun-ganun na lang, imbis na ipunin muna ang basura at hintaying dumating ang truck ng basura e sa mga estero at kanal mo na lang hinuhulog ang mga basura mo. Tapos kapag umulan natural barado ang mga daanan ng tubig umpisa na ng baha, minsan umihi lang ang talong aso ng sabay-sabay baha na e paano wala tayong disiplina. Imbis na sa basurahan itapon ang maliliit na kalat kung saan-saan na lang ihahagis, balat ng kendi, upos ng sigarilyo, pinagkainan ng chichiria, plastic cup na nilagyan ng softdrink at kung anu-ano pa, maliliit na basura lang yan pero pag-pinagsamasama mo magdudulot ng malaking problema yan. Panay ka angal dahil maraming drug addict sa lugar nyo pero ayaw nyo namang makipagtulungan sa mga alagad ng batas. Panay kayo anagal dahil laging brown out e may kuntador ka nang naturingan pero may jumper ka pa rin, kaya laging over load ang linya nyo na nagiging dahilang ng pagputok ng linya na nagiging dahilan ng mga brown out. Panay ka angal na mabaho na ang Metro Manila pero ikaw mismo kung saan-saan nagtatapon ng basura. Kahit musmos alam sulusyunan yang mga inirereklamo mo. kaya lang hindi sa iba magsisimula ang sulusyon dyan, kundi sayo mismo!
Pero dumako tayo doon sa isa madalas isigaw ng mga tao: kulang daw sa pang-araw araw na pangangailangan nila ang kanilang kinikita. Paano kayong hindi mahihirapan at paano sasapat yung kinikita mo sa pangngailangan nyo e alam mo nang maliit lang ang sinasahod mo sa pinapasukan mong trabaho kung mag-anak ka sunod-sunod, alam mo nang dalawang daang piso lang ang sahod mo tapos mag-aanak ka ng pito! Anu ka si Cristo na kayang magpakain ng maraming sa kakaunting pagkain? At paanong di ka kakapusin alam mo nang maliit lang ang sinasahod mo pero gumagastos ka ng higit pa sa kinikita mo? kung may sumobra man sa kita mo imbis na itabi mo para may madudukot sa panahon na kinakapos ka gagastusin mo lang ito sa walang kwentang bagay na nagdudulot sayo ng panadaliang kasiyahan, punta sa mall, shopping dito, shopping doon, bili ng kung anu-anong bagay na di mo naman talaga kailangan at minsan sa alak pa at bisyo nauuwi ang sobrang pera. May kakilala akong paglalako ng lumpiya ang hanap-buhay, maganda naman ang kita nya dito, minsan kumikita sya ng halos 500 piso sa maghapon nyang paglalako, pero nauuwi lang sa wala yung kita nya, paano sa kinikita nyang limang daang piso yung dalawang daan pambili nya ng ulam at bigas yung natitirang tatlong daan pambisyo na nya, aba! mas malaki pa iyong para sa bisyo kesa sa panggastos sa bahay. Baket di natin tularan yung kapit bahay namin dati, napakapraktikal kaya magaan ang buhay. May colored TV sila pero di kalakihan, di mo naman daw kelangan ng malaki, gastos lang daw yun samantalang parehong palasbas naman daw ang mapapanuod malaki man o maliit ang TV. May washimg machine sila pero kung di naman sya masyadong busy sa araw na yun kamay na lang rin ang ginagamit nya sa paglalaba, para daw makatipid sa kuryente. Baket ka raw sasakay ng FX e mas mura kung sa jeep lang, at baket ka raw sasakay pa ng jeep kung pwede namang lakarin lang, nakapagehersisyo ka pa. At hindi sya kagaya ng ibang mga nanay na walang ginawa kundi makipagtsismisan lang, sa halip na mangapitbahay paglilinis na lang daw ng bahay ang gagawin nya, mas malinis daw kasi ang bahay mas malayo sa sakit ang mga nakatira dito, mas malaking gastos daw kasi kung maoospital ka. Hindi rin sya mahilig sa mga branded na damit, branded daw o hindi mapupunit at maluluma rin kasi. Lahat kasi ng bagay ay may kaugnayan sa isa’t isa, at kahit maliliit na bagay lang yan, konte man ang matitipid mo dyan pero pagpinagsamasama mo lahat yan di mo napapansin malaki-laki na rin pala ang natitipid mo.
Maraming tayong reklamo sa maraming mga bagay, pero di natin namamalayan tayo pala mismo ang may gawa ng mga problemang tayo rin mismo ang nagdurusa. Isang bagay lang ang makakalutas ng mga problemang yan –disiplina. Kapag naisabuhay natin ang disiplina walang ibang makikinabang nyan kundi tayo mismo.

picture by: kamalayan www.flickr.com

tunay na pinoy




Pinoy ka nga ba? Gaano mo kakilala ang sarili mo bilang isang Pilipino? May ilang libro at mga website sa internet akong nabasa na tumutukoy sa pagkakakilala nila sa atin bilang mga Pinoy. Kayo na lang ang humusga kung totoo nga ba o kasinungalingan lang ang lahat ng mga ito..

isa ka raw tunay na pinoy kung…

Gumagamit ka ng tabo sa paliligo.

Manggang hilaw at bagoong ang gusto mong kainin kung buntis ka.

Bistek ang tawag mo sa halip na beaf steak.

Joe ang tawag mo sa mga foreigner na makikita mo.

May bunot at walis ting-ting o tambo sa likod ng pinto ng bahay nyo.

Patis ang paborito mong sawsawan sa hapag kainan.

Pridyider ang tawag mo sa halip na refrigerator.

May parol na nakasabit sa bintana nyo tuwing pasko.

Hinuhugasan mo ang mga disposable na baso, kutsara at tinidor para magamit uli.

Boose ang tawag mo sa halip na bus.

Naglalaba ka ng damit mo gamit ang kamay.

Kumakamot ka sa ulo mo kapag di mo alam ang sagot sa itinatanong sayo.

Kyutiks ang tawag mo sa nail foolish.

Nakasabit lahat ng mga larawan nyo sa dingding ng bahay nyo.

Mahilig ka sa tsismis.

BINGO ang paborito mong libangan.

Ha? Yan ang tanong mo kapag di mo narinig ang sinabi sayo.

Ballpen ang tawag mo sa lahat ng de tintang panulat.

Nakapatong ang paa mo sa inidoro kung tumatae ka.

Kumakain ka ng balut.

Madalas mong gamitin ang nguso kung meron kang itinuturo.

Tango ang pambati mo sa mga nakakasalubobg mo.

Nakataas ang paa mo kung kumakain ka.

Kumakain ka gamit ang iyong kamay.

Xerox ang tawag mo sa copying machine.

Uumihi ka kung saan-saan lang.

May asawa’t anak ka na pero nakatira ka pa rin sa bahay ng nanay mo.

Parang simbahan na ang bahay mo sa dami ng mga santo.

Madali kang makatulog pagkatapos mananghalian.

Naniniwala ka sa mga aswang.

Ayaw mo ng sapatos na gawang Marikina, ang gusto mo yung imported.

Laging may pansit kung birth day mo.

Gumagamit ka ng kulambo.

May take home ka pa tuwing galing ka sa handaan.

Madalas kang huli sa takdang oras ng usapan.

Higit sa lahat, mahilig ka sa “mamaya na”

Pinagsama-sama ko lang at isinalin sa tagalog ang mga iyan, galing ang mga pananaw na yan sa iba’t ibang libro pati na rin sa internet. Masakit sa tenga pakinggan kung ganyan nila ilalarawan ang lahi natin, para sa akin masakit mang tanggapin pero totoo lahat yan. Pero sana lang isinali rin nila dyan yung mga magaganda naman nating katangian, halimbawa sa Pilipinas kailangan nyo munang manligaw sa babae kung gusto mo syang mapangasawa, at kailangan nyo rin munang maikasal bago kayo magsiping, ang mga kabataan sa atin gumagamit ng “po” at “opo” bilang tanda ng pag-galang sa matatanda, tumanda man at humina na ang ating mga magulang inaaruga pa rin natin sila, matatapang din ang mga pinoy, marunong tumanaw na loob, masisipag, malikhain, matiisin at marami pang katangian ang Pinoy na tanging tayo lang rin mismo ang may taglay.
Naalala ko tuloy yung isang kwentong barbero tungkol sa isang Amerikano na gustong maging tunay na Filipino citizen. Sabi ng Amerikano “anu ba dapat ko gawin? Gusto ko kasi maging isang tunay na Pilipino?” sumagot naman yung isang datu na nakausap nya “kung gusto mong maging tunay na Pilipino simple lang, kailangan mong gawin ang mga sumusunod: una, papatay ka ng isang Tamaraw. Pangalawa: mang-gagahasa ka ng isang babaeng Aeta. At ikatlo: iinum ka ng isang galong lambanog at isang galong tuba” pero dahil hindi sya masyadong nakakaintindi ng tagalog hindi nya rin masyadong naintindihan yung pagkakasunod-sunod ng mga dapat nyang gawin. Maya-maya bumalik na yung aspiring na maging Pinoy citizen, lasing na lasing ang loko… “inum na ako isang galon lambanog at isang galon tuba… patay ko na rin babae Aeta… kaso di ko kaya gahasa tamaraw, tulin takbo!” sabay suka sya dahil sa kalasingan… “ggwaaarrrkkKK!!!” hehehe inuna nya kasi yung pag-inum ng lambanog at tuba kaya nalasing agad, nagkabaliktad tuloy yung mga dapat nyang gawin.


picture by: meanderingmark www.flickr.com

Thursday, February 12, 2009

menthol candy




Alas-singko ng madaling araw dapat gising ka na para hindi ka ma-traffic sa ‘yonng byahe at para mauna ka sa pila sa job agency na pipilahan mo para mag-apply ng trabaho, bitbit ang brown envelop na naglalaman ng yung bio-data, birth certificate, medical at health certificate, diploma, resume, NBI clearance, Police clearance, Baranggay clearance at kung anu-ano pang mga clearances. Baon mo ang singkwenta pesos na pamasahe at panalangin na sana matanggap ka na sa trabaho na mataga-tagal mo nang inaasam matapos kang mag-finish contract sa pinasukan mong pabrika isang taon na ang nakakaraan. Dahil halos isang taon ka na ring walang trabaho kaya halos wala ka na ring budget para sa muling pagbabaka-sakali na makahanap ng bagong desenteng trabaho na papasukan. Pagdating mo sa agency aabutan mo ang napakahaba nang pila ng mga nagbabaka-sakali rin na makahanap ng trabaho. Alas-nuebe na, mataas na ang araw, ramdam mo na ang hapdi ng init nito sa ‘yong balat, nanunuyo na ang lalamunan mo dahil sa uhaw sa pagkakabilad mo sa araw, ni hindi ka makabili ng samalamig o kahit iced water man lang dahil eksakto na lang pauwi ang natitira mong pera, namimintig na rin ang mga binti mo sa katatayo dahil sa bagal ng usad ng mga nakapilang aplikante. Nililibang mo na lang ang sarili mo pagbabasa ng mga iba pang job opening na nakapaskel sa mga bulletin board na alam mo namang hindi aplikable sayo dahil puro “college graduate” o kaya ay “at least second year college” ang mga required samantalang ikaw ay high school graduate lang. Nabasa mo na lahat ng mga job opening na nakasabit sa dingding habang nakapila ka pero matagal pa rin bago ka inter view-hin dahil nasa kalagitnaan ka pa lang ng mabagal at mahabang pila kaya kailangan mong muling libangin ang sarili mo para di mo masyadong maramdaman ang pamimintig ng ‘yong mga binti pati na rin ang ‘yong gutom, sa pagkakataong ito babasahin mo naman ng paulit-ulit ang mga requirements na ‘yong dala-dala. Alas-onse y medya na pala ng tanghali, oras na rin ng tanghalian, dobleng gutom na ang nararamdaman mo dahil hindi ka rin nakapag-almusal kanina bago umalis sa bahay nyo. Tinawag na ang babaeng nasa unahan mo, pagkatapos nyang ma-inter view ikaw na sana ang susunod na i-inter-view-hin, pero sadya yatang sinusubukan ng tadhana ang ‘yong pasensya at katatagan (pati na rin katatagan sa gutom). Alas-dose na, break time daw muna dahil oras na ng tanghalian at oras na rin ng tanghalian ng mga empleyado ng agency. “Kumain muna kayo at kakain din muna kami, bumalik na lang kayo sa pila nyo mamyang 1-o’clock, after lunch itutuloy natin ang inter view…” sabi pa nung gwardya ng agency. Wala kang magagawa kundi sumunod na lang sa inanunsyo, lalabas ka muna ng opisina, hindi para magtanghalian kundi para sa labas magpalipas at magtiis ng gutom dahil kailangan mong tipirin ang pera mo para may pamasahe ka pauwi, may sukli ka sanang sampung piso sa pamasahe kung hindi ka lang nagpa-xerox ng mga dala mong requirements kanina. Nakaupo ka sa gilid ng opisina at naghihintay na muli itong magbukas para ma-inter view ka na, may lalapit sa ‘yo at makikiupo sa tabi mo na isa ring aplikante, aalukin ka nya ng dala nyang menthol candy, yun lang rin pala ang pinaka-tanghalian nya. Hindi ka pala ng nag-iisa, marami pala kayo, may mga kasama ka rin pa lang nagtitiis ng gutom magkaroon lang ng disenteng hanap-buhay. Menos diyes para ala-una, balik na uli sa pila, pero sarado pa rin ang opisina, nang silipin mo tulog pa sa kani-kanilang mesa ang mga empleyado ng agency, yung isa nakapatong pa ang paa sa mesa. Ala-una bente na nung magbukas ang opisina para ituloy ang naputol na inter view-han dahil sa lunch break. Tinawag na ang pangalan mo at ikaw naman ang sasalang sa katakot-takot na tanungan na akala mo ay may mabigat kang kaso at nasa senado ka ngayon para sa isang senate hearing. Tinanong ang pangalan mo, pangalan ng tatay mo, pangalan ng nanay mo, apelyido, ilan kayong magkakapatid, dati mong trabaho, saan ka nakatira, ilang taon ka na, kung may SSS ka ba, miyembro ka ba ng Pag-ibig fund, ano TIN number mo at kung anu-ano pang mga katanungan. Pagkatapos mong gisahin ng tanong sasalang ka naman sa ilang written exam na may kinalalaman sa math, english, abstract at minsan may mga tanong pa na tungkol sa biblia. Pagkatapos mong masagutan lahat ng mga written exam sa loob ng 15 minutes ipapasa mo na ito duon sa nag-inter view sayo at sasabihan ka nya na bumalik sa makalawa para malaman kong nakapasa ka. Alas-dos na ng hapon nang lumabas ka na sa opisina, sa wakas makakauwi ka na at makakain ng alamusal at tanghalian ngayong hapon. Lumipas ang dalawang araw nangutang ka na lang ng pamasahe para bumalik sa agency para alamin kung pumasa ka sa inter view at exam nila, salamat sa Diyos at pinakinggang naman nya ang panalangin mo, nakapasa ka. “Sa lunes pumunta ka sa pabrikang ito, ipakita mo ‘tong recommendation namin sabihin mo galing ka dito sa agency” Lunes ng umagang-umaga nangutang ka uli ng pamasahe, lakad ka na naman, pupunta ka naman ngayon doon sa pabrika na inirekominda sayo nung agency. Pagdating mo doon panibagong inter view na naman, tatanungin uli nila kung anong pangalan mo, pangalan ng tatay mo, pangalan ng nanay mo, apelyido, ilan kayong magkakapatid, dati mong trabaho, saan ka nakatira, ilang taon ka na, ilan kayong magkakapatid, kung may SSS ka ba, miyembro ka ba ng Pag-ibig fund, ano TIN number mo at kung anu-ano pang mga katanungan. Pagkatapos mong gisahin ng tanong sasalang ka naman sa ilang written exam na may kinalalaman sa math, english, abstract at minsan may mga tanong pa tungkol sa biblia. Pagkatapos mong masagutan lahat ng mga written exam sa loob ng 15 minutes ipapasa mo na ito duon sa nag-inter view sayo at sasabihan ka nya na bumalik sa makalawa para malaman kong nakapasa ka (ganyan talaga kapag nag-aapply, paulit-ulit, nakakairita) paglipas uli ng dalawang araw nangutang ka na naman ng pamasahe (tsk! tsk! tsk! magkano na utang mo?) babalik ka uli duon sa pabrika para malaman kung nakapasa ka, kaya lang nakagawa ka yata ng kasalanan sa Diyos nitong mga huling araw kaya hindi nya pinakinggan ang panalangin mo ngayon, hindi ka tanggap sa pabrika… over age ka daw, trenta anyos ka na raw kasi at hanggang bente otso lang ang tinatanggap nila.

Ganyan kahirap ang maghanap ng trabaho dito sa Pinas ngayon, minsan doble pa dyan o higit pa sa doble nyan ang hirap na mararanasan mo, napakaraming hinihinging requirements, sari-saring exam at isang katerbang katanungan ang dapat mong sagutin, pababalik-balikin ka at sa bandang huli hindi ka rin pala matatanggap! Minsan ko ring naranasan ang ilan sa mga iyan sa pagahahanap ko ng trabaho, gumising ng maaga, mangutang ng pamasahe, magtiis sa init ng araw at magutom. Ilang inter view at exam din ang dinaanan ko at naipasa ko naman, pero sa huli denied pa rin dahil trenta anyos na raw ako at hanggang bente otso lang daw ang tinatanggap nila. Nasagot ko tuloy ng pabalang yung buntis na nag-inter view sa akin, hindi kasi dapat basehan ang edad kung dapat bang tanggapin o hindi ang isang aplikante, matagal-tagal di kasi akong nakapagtrabaho sa isang textile company at marami rin akong naging mga katrabaho na ang edad ay bente lang mahigit, pero hindi garantiya yung edad nila sa pagiging magaling na trabahador nila, minsan sila pa nga itong pa-lousy lousy lang sa trabaho, samantalang yung mga mas may edad at meron nang pamilya ang mas porsigido at maayos magtrabaho. Kung hindi sana bulok ang sistema dito sa Pinas hindi sana tambay ang maraming Pinoy ngayon, hindi sana talamak ang mga nanlilmos na lang ng makakain sa araw-araw, hindi rin sana talamak ang mga babaeng nagbebenta ng sarili nilang laman, mababawasan rin sana ang mga side walk vendor na nagpapasikip ng mga daanan, wala rin sanang mga squatters kung saan-saan, wala rin sanang mga nagnanakaw ng tubig at kuryente, mababawasan din sana ang mga holdaper at snatchers, wala na rin sanang mga nagtutulak ng mga ipinagbabawal na droga para lang may maipakain sa pamilya nila. Lahat yan malulunasan kung kukunin na sana ni Lord yung mga politiko dito sa bayan natin na wala namang ginagawa kundi ang magpalago lang ng yaman nila.

picture by: ardenstreet www.flickr.com

slave (menthol candy II)




Kung sakali mang pinalad ka na at natanggap ka rin sa wakas sa trabahong inaplayan mo, at iniisip mong tapos na ang problema mo at sa wakas giginhawa na rin ang buhay nyo… nagkakamali ka. Kunsabagay hindi naman lahat ay ganito ang kinahihinatnan, pero minsan yung inaakala mong sasagot sa problema mo na trabahong napasukan mo e minsan dagdag pa pala sa pasakit sa buhay mo. Natanggap ka nga sa isang trabaho pero sobrang baba naman pala ng pasweldo dito, one hundred eighty pesos per day lang ang sinusweldo mo, masyadong mababa at wala pa sa minimum, gagastos ka ng 60 pesos para sa pamasahe balikan, kakain ka ng halagang 30 pesos para sa maghapon mong pagkain, lumalabas na 90 pesos lang ang kinikita mo araw-araw kakaltasan pa ng hulog sa SSS, sa Pagibig at tax. Kaya 60 hanggang 70 pesos lang pala ang malinis mong naii-uwi sa pamilya mo (tsk! tsk! tsk!) 60 hanggang 70 pesos araw-araw kapalit ng malakalabaw na trabaho mo sa loob ng walong oras kada araw, pati itlog mo ay papawisan ng malapot sa kabubuhat ng kung anu-anu sa pabrika kapalit ng ganun kaliit na kita, kaya mapipilitan kang mag-over time para kahit trenta pesos ay may maidagdag man lang sa 70 pesos mong kita, at least meron ka nang isan daang piso kada araw. Hindi mo naman magawang humanap na lang uli ng ibang trabaho dahil nagdadalawang isip ka rin na baka hindi ka na swertehin at baka hindi ka lang uli matanggap sa ibang pabrika. Kaya mag-iisip ka na lang ng iba pang paraan para medyo lumaki ang sweldong maiiuwi mo, kaya sa halip na mamasahe e wan-tu-tri na lang ang ginagawa mo kapag sumasakay ka ng jeep (wan-tu-tri: sumasakay at bumababa nang hindi nagbabayad. bad yun! wag tutularan) yung iba nagtityaga na lang na magbisekleta sa araw-araw nilang pagpasok sa pabrika para mas makatipid. Ang problema lang pagod ka na sa maghapon mong trabaho dadagdagan pa ng panibagong pagod sa pagpadyak ng bisekleta pauwi at papasok sa trabaho. Pero lahat yan handang tiisin ng maraming mahihirap na Pinoy. Minsan naman hindi yung kakulangan sa sahod ang nagiging problema ng iba kundi yung mga amo mismo nilang kalahating pinoy at kalahating tsino, hindi naman sa nilalahat natin marami rin namang mababait na tsinoy employer o maging hindi man tsinoy. Pero may ilan na masyadong abusado kung magtrato ng mga trabahador nila, singhal dito singhal doon, konteng pagkakamali mo mura dito mura doon, at hindi man lang nag-iisip sa damdamin ng mga empleyado nila. Minsan hindi na trabahador o empleyado ang tingin nila sa mga tauhan nila kundi “slave”, baka nakakalimutan nilang pera lang ang pagkakaiba nila sa mga tauhan nila, bukod doon wala na… pare-pareho lang tayong tao lahat na walang dapat ipagmalaki. Isipin din sana nila na wala sila sa bayan nila kundi nadito sila sa Pilipinas ngayon at dayo lang sila dito. Meron namang ilan na mababa na kung magpasweldo ay ninanakawan pa nila ang mga tauhan nila, sa paraang kinakaltasan nila ng hulog sa SSS, Pag-ibig at malalaking tax ang mga empleyado nila pero hindi naman pala totoong hinuhulog kundi sa bulsa rin nila mismo napupunta. Mahirap ka na nanakawan ka pa. Yung iba naman wala sa employer nila ang problema kundi sa kapwa nila trabahador at kapwa rin nila Pinoy. May ilan kasi na akala mo ay linta kung makasipsip sa amo nila, kumurap ka lang isusunbong ka na natutulog ka na raw, maghikab ka lang natutulog ka na rin daw, nailabas mo lang yung ballpen ng di sinasadya dahil nakalimutan mo itong tanggalin sa pagkakasabit sa tenga mo bago ka umuwi isusumbong ka nang nagnanakaw ka raw, may ilan pang pangyayari na papaangat na sana ang ranggo mo sa trabaho o yun bang mapo-promote ka na sana ay kung anu-anong di magagandang bagay ang isusumbong nila na di mo naman talaga ginagawa para lang mapigilan nila ang pag-asenso mo, inggit naman ang tawag dun. Lahat yan karanasan at patuloy na nararanasan ng maraming Pinoy ngayon, lahat yan tinitiis ng marami makakain lang ng galing sa disenteng paraan at hindi galing sa masama.

Lahat sana ng mga bagay na yan ay mababawasan kung nagtutulungan sana ang bawat Pinoy at kung maganda sana ang sistemang pang-gobyerno ng Pilipinas. Kaya naman kasi minsan nagkakaroon ng mga abusadong employer maging hindi purong pinoy o purong pinoy man ay dahil na rin mismo sa mga politikong kinakapitan ng mga higanteng kapitalista. Anu man kasing iligal na bagay o panlalamang at pagnanakaw sa mga empleyado nila ang gawin nila ay hindi sila natatakot, may isa man kasing hamak na trabahador ang magsumbong sa kinauukulan tiyak na wala rin mangyayari, para lang syang isang kulisap na babangga sa isang elepante. Mapatunayan man na may pag-abuso ang kumpanya kayang kaya nilang bayaran ang anumang dapat bayaran, minsan nga hindi na humahantong sa korte ang hinaing ng pobreng obrero dahil sa baba pa lang nilalagyan na ng mga employer ang mga dapat tapalan para hindi na ito mangamoy at umabot sa taas. Kung sakali mang umabot sa itaas ang reklamong pang-aabuso ng isang employer sa kanyang pobreng tauhan wala pa rin itong patutunguhan dahil nadyan naman ang mga politikong nasa pay roll ng mga higanteng kapitalista para ipangtanggol sila. Ang hirap maging mahirap. Lord kelan mo ba kukunin ang mga nagpapatakbo ng gobyerno namin na walang ginawa kundi ang protektahan ang interes ng ilan kesa sa interes ng maraming mahihirap na Pilipino?

picture by: kamalayan www.flickr.com

Wednesday, February 11, 2009

tamolmol




Naranasan mo na bang buong araw na magliwaliw sa Mall? Oo sa Mall… yung deparment store. Tiyak “oo” ang sagot mo, lalo na kung nakatira ka sa urban area o kaya ay sa Metro Manila mismo. SM City, Robinson, Shangrila plaza, Rustan, Gateway, Market Market, Ayala Center, Glorieta, Farmers Plaza, Crossing, Gotesco, Greenhills Shopping Center, Isetan, TriNoMa, Mall of Asia, Ali mall, Mega mall at kung anu-ano pang ta-molmol! Noong napunta nga pala ako ng Leyte may malaking mall din sila doon, Gaisano yata yun kung hindi ako nagkakamali. Malamang kapag nasa mall ka bili ng damit dito bili ng damit doon, kain dito kain doon at walang patumanggang waldas ng pera sa lahat ng pwedeng pagwaldasan nito. Ang sarap ng ganung buhay, yung para bang hindi nauubos ang pera mo sa bulsa at parang limang bayong na pera ang dala ng sugar mommy mo kaya lahat ng pwedeng kainin e pwede mong lantakan at lahat ng magustuhan mo ay pwede mong ituro sa kanya para bilhin par sayo. Pero kahit wala kang gaanong maraming pera malilibang ka rin talaga sa pamamasyal sa mga mall, pwede kang pumasok sa tindahan ng mga usong-usong gadget ngayon para at least alam mo ang mga latest at bago para di ka naman nahuhuli kahit sa kwentuhan man lang. Pwede ka ring pumasok sa tindahan ng mga cellphone, appliances, sapatos, stuff toys, baril, alahas, laruan, hardware store, sa music store, mga book store o maging sa tindahan ng mga damit. Ang nakaka-bad trip lang kapag pumasok ka sa mga tindahan lalo na tindahan ng damit ‘e yung lalapitan ka agad ng sales lady, para ka tuloy may tae sa pwet ng sinusundan-sundan ng langaw na sales lady sabay tanong ng “anu po ang hanap nyo sir? Polo shirt o t- shirt? Ayan pong checkered bagay yan sa inyo… tsaka yan po ang usong kulay ngayon… kulay tulok” at kahit anu mang hawakan mo e sasabihan ka ng “bagay sayo yan sir, disente kayong tingnan dyan” kahit na ang totoo ay mukha ka talagang boyoyong clown. Nakakatuwa rin yung mga nag-dedemo ng mga featured products… “sir ma’am ito pong arenola na to is made from finest materials na imported pa from Istanbul, meron po syang automatic blender sa loob na kapag tumae kayo yung tae nyo e irerecycle nya para maging toilet tissue na pwede nyong gamitin pamunas ng pwet pagkatapos nyong tumae, very environmental po sya at di nakakasira sa ozone layer sa halip napipigilan nya pa po ang global warming, mapapasainyo po sya for only nine hundred ninety nine pesos and ninety five centavos, at may free pa po syang three sticks of chupa chups lollipops at isang pack ng captain sid butong pakwan…” Maaari ka ring pumasok sa tindahan ng mga cassette tapes at CD, pwede ka doong makinig ng mga bagong album na ipino-promote nila, at siguradong mapapa-head bang ka pa habang nakasalpak sa tenga mo yung headset habang pinakikinggan mo yung bagong hit song ni Justine Timberlake o kaya ni Renz Verano. Pero hindi lahat ng pagmo-malling ay masaya, nasubukan mo na bang halos buong araw kang magpalakad-lakad sa mall nang walang pera? As in wala ka talagang pera… at kung may pera ka man ay tama lang para sa pamasahe pauwi, kung may sobra man ay limang piso lang, tamang-tama pambili ng isang stick ng Marlboro at Double Mint. Kapag ganun ang sitwasyon siguradong magugutom ka kaya ang pag-asa mo na lang ay yung mga libreng tubig sa mga drinking fountain sa food court, kung malakas-lakas ang sikmura mo pwede ka na ring uminum dun sa gripo sa mga CR o kaya kapag muka mo naman ang malakas-lakas ang apog at di marunong makaramdam ng hiya maaari kang pumasok sa mga fast food chain para makahingi ng tubig, kelangan lang tunog mayaman ang accent mo sa pagsasalita… “miss pahingi nga ako ng baso, paki lagyan mo na rin ng konteng ICE, nakalimutan ko kasing sabihin dun sa crew kanina na gawing juice yung drinks dun sa order ko” o diba? May yelo pa ang tubig mo, at paglabas mo ng fast food sasabihan ka pa ng guardya “thank you sir, balik po kayo” Ang tiyak lang na magiging problema mo ay tuwing mapapadaan ka sa tapat ng Maxx Fried Chicken o kaya Kenny Rogers o kahit sa mga food court dahil siguradong matatakam ka sa amoy pa lang ng mga pagkain, lalo na kapag nakikita mo yung mga manok nila habang niluluto, umiikot-ikot sa baga habang nagmamantika… hhhmmmMM!!! sheeeett ambango! Kapag natapat ka sa ganyan at wala kang pera mabuti pa lumayo ka na agad at baka hindi makapag-pigil ang large intestine mo ay bigla nyang kainin ang small intestine mo! ang masarap na lang gawin kung wala ka talagang pera ay ang paglilibot sa mga amusement park sa loob ng mall, doon walang sales lady na bubuntot buntot sayo, wala kang gagawin dun kundi panuorin yung mga batang naglalaro ng pinball, arcade games, crane, game cards, dance revo, virtua cops at kung anu-anu pang electronic games na hinuhulugan ng tokens. Kung gusto mo naman doon ka tumambay sa mga kumakanta sa mga videoke kung kaya mong tiisin yung masakit sa tengang boses ng mga prostrated singer na akala mo batang baka na nawalay sa kanilang mga magulang kung umatungal ng kanta. At pagsapit ng mga bandang alas siete ng gabi medyo nangangamoy uwian na, kelangan mo nang magunat-unat dahil lumipas na ang araw at nalipasan ka na rin ng gutom. Paglabas mo sa mall medyo mag-iiba ang pakiramdam mo dahil maghapon kang babad sa malamig na centralized air-con tapos maalinsangang hangin at puno ng usok ng mga sasakyan ang temperaturang sasalubong sayo sa labas, tiyak sipon ang aabutin mo. Habang nasa gitna ka ng byaheng saksakan ng traffic pauwi bigla mo na lang maiisip ang pagsisisi, sana di ka na lang nag-class cutting, sana pumasok ka na lang sa eskwela di ka sana nagutom at natuto ka pa sana kung anu man ang itinuro ng teacher mo sa paaralan ngayon… bukas kaya magka-class cutting ka kaya uli at muling babalik sa mall?

picture by: silentsnap www.flickr.com

Tuesday, February 10, 2009

pi-yu-dyey




Tricycle, pedicab, jeep, kalesa, bus, FX, LRT at MRT …minsan bangkang gawa sa styrofoam kapag bumabaha. Ilan lang yan sa mga karaniwan nating sinasakyan sa araw-araw papunta sa trabaho, eskwelahan, palengke, mall o kahit saan pa man. Sabi ng iba masarap daw sumakay ng FX, hindi daw pahinto-hinto dahil iilan lang naman ang pasahero nito at pwede pa syang mag-short cut kung saan walang gaanong traffic. Yung iba naman sa LRT o MRT mas gustong sumakay, mabilis daw kasi at kahit pa magkabuhol-buhol ang traffic mula Cubao hanggang Ayala hindi ito apektado, may sarili kasi itong daanan. Meron namang nagsasabi na mas gusto nila ang pedicab dahil wala itong pulosyon, ganun din ang rason ng mga taong kalesa ang gustong sakyan. Noong nagtrabaho ako sa isang pabrika nang halos sampung taon, halos sampung taon din akong naging araw-araw na pasahero ng mga jeepney. Naranasan kong sumabit sa estribo ng jeep, ang di ko makakalimutang pagsabit sa estribo e yung sampu yata kaming nakasabit, konteng pagkakamali lang maaari kaming sabay-sabay na madisgrasya, agawan kasi ng sasakyan noon dahil sa strike kaya napilitan akong sumabit kahit na alam kong medyo delikado (kung kumati ang betlog ko nung mga oras na yun malamang kasama ko na si Lord ngayon). Naranasan ko rin na atakihin ng grabeng pagsakit ng tiyan habang nasa gitna ng traffic sakay ng jeep. Pakiramdam ko isang lasing na tao ang pwet ko na handang sumuka dahil sa kalasingan anumang oras, dahil sa pagpipigil kong wag sumuka ang lasing kong pwet naglabasan ang ga-munggo kong pawis sa mukha na kasing lapot ng Alaska evaporated milk, manhid na ang buo kong katawan, blared na rin ang paningin ko at wala na rin akong ibang naririnig kundi ang tibok ng puso ko…tub-tub!… tub-tub!… tub-tub!... sa bawat lagabog ng puso ko sinasabayan ko na lang ito ng taimtim na panalangin na sana umabot ako sa bahay at wag dito sa jeep sumabog ang galit ng pwet ko… haaAAAyyy!!! Buti na lang umabot ako sa bahay at hindi dun sa jeep nagkalat ng lagim. Marami ring mga makairitang pangyayari na kung sasakay ka lang ng jeep maaari mong maranasan, kagaya ng mga barumbadong tsuper na akala mo walang kamatayan kong magmaneho, halos magkapalit-palit na ng mga mukha yung mga pasahero nya sa sobrang tulin ng takbo. Sa sobrang bilis nga yung buhok mo na parang buhok ni Jose Rizal bago ka sumakay ng jeep e magmumukang buhok na ni Albert Einstein pag-baba mo. Meron din namang sobrang bagal… mabagal pa sa karo ng patay kung magmaneho at siguradong mahaba na ang bigote’t balbas mo pagdating mo sa destinasyon mo. May mga tsuper naman na lahat ng kanto ay hinihintuan at kapag nakakita ng pasahero kahit isang daang kilometro pa ang layo nito ay hihintayin na nya para alukin ng sakay, ang siste pa paglapit na nung pasahero e ibang byahe pala ang sasakyan nya, kakabadtrip!. Meron pang ilang tsuper na lahat ng makasalubong na kapwa tsuper na kakilala nya ay ilang minuto munang kapwa hihinto sa gitna ng kalye para magkakamustahan “pare yung inaanak ko kamusta na? naoperahan na ba ang goiter ni mare? yung buni mo magaling na ba?” susmaryosep male-late na mga pasahero nya nagawa nya pang makipag-chikahan! May mga tsuper din na namimili ng pasahero, ayaw nilang isakay sa unahan o doon sa front seat yung mga lalake ang gusto nila yung mga sexy at magaganda babae ang pauupuin doon. Pero meron akong isang tsuper na kinatutuwaan, matandang driver sya ng byaheng Malinta-Novaliches tingin ko mga nasa 50 na ang edad nya, English speaking pero halata mo namang pinoy sya… “Whose ten pesos is this?” “sa akin po, isang Caybiga yan” sagot ko “from where?” tanong nya uli “from Bayan po” pati tuloy ako napa-ingles hehehe. May mga jeepney rin na akala mo ay rolling beer house (yun bang parang rolling store ni PGMA) dahil sa lakas ng New Wave o disco music nito sa saliw ng mga iba’t ibang kulay at patay sinding mga ilaw, byaheng Nova-Blumentritt maraming ganito. Yung ganung mga klase ng jeep ay tinatawag nilang “hataw” o “patok”, minsan isang gabi napasakay ako sa ganung jeep muntik na akong mapa-order ng isang bote ng San Mig light at isang ka-table na babaeng bagong raspa. May mga jeep din na akala mo ay super ferry dahil sa laki nito, sa Marikina naman maraming ganito, sa magkabilang gilid ng mga ganitong jeep naka-portrait yung litrato ng buong pamilya nung may-ari nung jeep na yun. Akala mo tuloy pang perya yung mga jeep na bumibiyahe doon, iba-iba ang design ang makikita mo merong puro anime ang design, merong puro santo, meron ding demonyo ang naka-design sasabayan pa ng busina nilang… A-HA-HA-HA-HA-HAAAAaaA!!! (boses yun ng isang babaeng tumatawa) o kaya naman yung TOT-TOT-TOT-toROT-toROT-TOrOooot!!! (kung nanonood kayo ng NBA alam nyo yung tunog na yun). Nakakalibang namang pampalipas oras habang nasa byahe ka at sakay ng jeep yung pagbabasa ng mga sticker na nakadikit sa mga dash board o kaya yung mga maliliit na akala mo parol na nakasabit sa kisame ng jeep bandang ulunan ng tsuper, kalimitan mong mababasang nakasulat doon ay Bayad muna bago baba, God knows JU-DAS not pay, barya lang po sa umaga, God bless our trip, basta sexy libre kapag mataba doble, basta driver sweet lover, pag-utot ay pigilin nang hindi bumaho ang hangin, basta lubak iwas kapag butas pasak, miss konteng ipit para hindi masilip, babaeng balbon mahilig sa ibon, virgin ng malasing buntis nang magising at nakaparami pang iba. Pati doon sa mga nakalaylay sa likuran ng jeep masarap din silang pampalipas oras lalo na mababasa mo dun na nakasulat ay ANG HANAP KO AY PIRA HINDE KARIRA, KEEP DESTANCE, POTPOT BAGO LUSOT, DISTANCIA AMEGOo at VOTE! EDDIE GIL FOR PRESIDENT!. Minsan mismong mga pasahero naman ang pasaway, akala mo ay pugon kung magbuga ng usok ng sigarilyo sa loob ng jeep sa kabila ng alam naman nilang bawal yun. Meron namang mga lalake na kung makaupo e akala mo kasing laki ng pakwan ang magkabilang itlog nya, yung ibang pasahero e halos mahulog na dahil walang maupuan sya naman ay bukakang-bukaka pa. May mga magkakasama naman na sakay din ng jeep na kung magkwentuhan akala mo mga bingi dahil sa lakas ng boses nila kung mag-usap at kung tumawa pa e kita na ang tonsil at labas ang buong gilagid nila. Pero mas nakakainis yung mag-babayad ka na ng pamasahe mo, tyempong sa gawing hulihan ka nakaupo kaya ipapakisuyo mo itong iabot sa pasaherong medyo malapit sa driver, ang siste magtutulog-tulugan yung pasaherong gago para lang hindi sya maabala sa pag-abot ng pamasahe mo! tsk! nakakainis yung ganung kasakay sa jeep alam mo namang di talaga sya tulog dahil tatlong segundo pa lang ang nakakalipas nang nakita mo syang nangungulangot at nag-alis ng muta nya sa mata. Kapag ganun ang nakasakay ko isa lang ang gagawin ko, ipanalangin na lang na sana makatulog sya ng tuluyan at wag nang magising pa o kaya kapag nangulangot sya uli wag na sanang mabunot pa ang daliri nya sa ilong nya… tangnanya!

picture by: kamalayan www.flickr.com

boooOO!!!





Ang pag-aasawa daw ay hindi tulad ng mainit na kanin na kapag napasoka ay maari mong iluwa…

(booooOOO)!!! gasgas na yang kasabihan mong yan, wala ka bang bago?!!!)

A.. e..hehe… wala e…

Kwento ko na lang yung napag-kwentuhan din namin ng mga kaibigan ko noon habang tumatagay kami ng Emperador (isang tagay sa tagumpay) at namumulutan ng taho… tungkol yun sa mga nakakatuwang pagkakaiba ng pag-sasama ng mag-asawa noong sila ay mag-nobyo at mag-nobya pa lang at ang kaibahan nito ngayong mga tatlo o limang taon matapos silang maikasal.

Mag-syota pa lang: sabi ni lalake kay babae habang magkahawak ng kamay na naglalakad papuntang SM North para manuod ng bagong pelikula ni John Lloyd Cruz at Bea Alonzo… “Babes dahan-dahan lang sa paglalakad baka matapilok ka nyan e, okey lang naman na gabihin tayo. Basta’t magkasama tayo kahit abutin pa tayo ng pag-puti ng uwak okey lang…”

Mag-asawa na: palagi nang nauuna sa paglalakad si lalake kay babae, mga apat o pitonghakbang ang laging pagitan nila. Eto na sabi ni lalake habang naglalakad sila ng asawa nya kasama ang tatlo nilang anak (yung isang anak karga-karga ni misis nya, yung dalawa nakakapit sa magkabilang laylayan ng duster ng misis nya) papunta sa bahay ng biyanan nya… lilingunin muna ni lalake tong si babae sabay pasinghal na sasabihin… “gggrrRR@#$* bilisan mo nga! ang kupad-kupad mong maglakad kahit kelan...!!!”

Mag-syota pa lang: habang nasa byahe sila sakay ng jeep pauwi sa bahay nung babae (araw-araw kasi at walang sawang hinahatid ni lalake ‘tong si babae galing sa trabaho)… napapapikit na ‘tong si babae dahil sa antok at pagod dahil sa trabaho… papa-pogi points itong si lalake “Babes ihilig mo ang ulo mo dito sa balikat ko para makaidlip ka muna habang nasa byahe pa tayo, gigisingin na lang kita kapag malapit na tayong bumaba…”


Mag-asawa na: habang pauwi sila galing sa pagdalaw sa byanan nya.. nakasakay sila ng jeep at papikit-pikit na itong si misis dahil pagod sa haba ng byahe at dahil na rin sa sobrang trapik, hihilig sana itong si misis sa balikat ni mister para maidlip man lang tutal malayo-layo pa naman ang bababaan nila. Magagalit itong si mister at iretableng ii-ilag bigla ang balikat nya kung saan ihihilig sana ni misis ang ulo nya… “Anak ng pu…!!! Anu ka ba, wag mong sabihin dito ka pa sa loob ng jeep matutulog? Anu kala mo saken unan? Malapit na tayong bumaba, isang daan at tatlumpong kilometro na lang nasa bahay na tayo, dun ka na matulog!”


Mag-syota pa lang: itong si babae naman ang dadalaw sa mga magulang nitong si lalake odoon sa magiging mga biyanan nya kapag naikasal na sila nitong si lalake. Habang magkahawak ang kamay na naglalakad lahat ng mga makita at makasalubong nitong si lalake na mga kakilala nya ipinakikilala nya itong si babae, sa mga kaibigan, sa mga kapitbahay kahit sa alaga nilang galising aso ipinakilala nitong si lalake itong si babae. Ganito pa nga banat ni lalake nung ipinakilala nya itong nobya nya sa isa nyang kaibigan… “Pare si Nina girlfriend ko… Babes si Fred kababata ko…”


Mag-asawa na: papunta uli itong sila lalake sa bahay ng nanay nya nang madaanan nila ang mga kaibigan at mga kababata nya. As usual nauuna pa rin sa paglalakad itong si lalake kay babae mga apat o pitong hakbang ang agwat ni lalake kay babae… babatiin si lalake at tatanungin nung isa sa mga kaibigan nya… “pare kamusta? Si misis mo asan? Kasama mo ba sya?” sasagot si lalake… “okey lang pare… misis ko? Ayun oh!!!” sabay senyas ng turo gamit ang nguso…


Mag-syota pa lang: maagang sinundo ni lalake si babae para ihatid sa pinapasukan nitongtrabaho, dahil nga maaga pa niyaya muna ni babae itong si lalake na mag-almusalmuna kaya sabay silang nag-agahan. Nang di sinasadyang natapunan ni babae itong si lalake ng mainit na Ovaltine sa putim-puting Bench polo shirt nito (dami kong product promotion dun a)… abot-abot ang paghingi ng dispensa nitong si babae kay lalake… “Babes sorry… sorry talaga, di ko naman sinasadya e…” sasagot naman itong si lalake… “okey lang yun Babes, alam ko namang di mo yun sadya e, tsaka madali namang matanggal ang mantsa nito, isang babad ko lang sa Ariel okey na to…” okey lang daw… kahit na nag-ngingitngit ang loob nito dahil isang linggong sweldo yata ang ipinambili nito ng puti nyang polo.


Mag-asawa na: sabay ulit na kumain ng almusal itong sila lalake at babae kasabay ang lima nilang makukulet at sipuning nga anak. Nakabihis na itong si lalake suot ang puti at piniratang t-shirt nito na No Fear na nabili nya sa Divisoria. Nang di sinasadyang nabangga ng dalawa nilang anak na nag-aaway dahil sa manipis na pandesal ang kanilang ina na nagsasalin ng tubig sa baso ng kanilang ama, kaya ang nangyari nabasa ng tubig itong si lalake. Biglang napatayo itong si lalake sabay sabi ng… “Syet! Tingnan mong ginawa mo sa damit ko! Tatanga-tanga ka kasi, magsalin lang ng tubig sa baso di mo pa magawa ng maayos! Bwiset!!!”


Hehehe… kakatuwa anu? Pero nakakalungkot, meron kasi talagang ganyan ang nagiging pagbabago tatlo o higit pang taon matapos makasal na itong si babae kay lalake. Lalo na kapag nanganak na itong si babae at medyo lumobo na ang hugis ng katawan o kaya kapag medyo alsado na rin ang puson ni babae matapos makapanganak ng pitong bata (9.8 lbs ang timbang ng pinakamaliit nyang iniluwal) sa loob ng pitong taon nilang pagsasama o kaya kapag medyo amoy bawang na si babae. Buti na lang ako simula nung syota ko pa lang ang asawa kahit kelan di pa ako nagbabago sa pagiging sweet sa kanya (lunok! Lord patawin mo ako sa pagsisinungaling ko ngayon) kung meron mang nagbago sa akin e yung naging mas sweet pa ako ngayon…

Ngapala may isa pa pala akong ipinagbago… nakakautot na ako ng malakas sa harap ng asawa ko kahit pa kumakain kami ng almusal. Bagay na di ko magawa noong magsyota pa lang kami...

picture by: kamalayan www.flickr.com

swerte trap





Minsan wala akong magawa kaya kinalikot ko mga nasa friend list ko sa friendster syempre (www.friendster.com). Mas nabigyan ko ng pansin yung dati kong mga naging kaklase at kaeskwela noong grade school pati na noong high school, marami na ang nagbago mula nang makasalamuha ko sila noong mga estudyante pa kami. Merong lumaki na di mo akalain na aabot sa ganoon katangkad na tao meron namang di na talaga lumake, meron ding mga lomobo… lalo na sa mga babae, pero meron ding di mo na makilala dahil gumanda ng husto, malayong malayo sa itsura nya noon na para lang syang isang malaking taghiyawat na tinubuan ng mukha at meron din namang halos di nagbago ang itsura. Maging sa porma maraming naging pagbabago dati rati naka-shorts lang kami ng kulay green kapag pumapasok sa eskwelahan samantalang ngayon todo “coat and tie” na ang mga kaklase ko, meron ding naging teacher na, na dati-rati ay sila lang ang tinuturuan ng mga teachers namin, meron ding naging engineer, accountant, mekaniko ng mga eroplano, nasa real state, merong waiter sa isang luxury ship, nagtatrabaho bilang PRESS o media, meron na ring pumasok sa larangan ng politika samantalang dati class officer lang ang tinatakbuhan nila at manalo lang bilang sergeant at arm e masaya na, meron din namang nakapagasawa ng taga ibang bansa at nilalasap nila ngayon doon ang sarap ng buhay. Makikita mo sa mga album sa profile nila kung gaano na kalayo ang marating nila, meron silang picture na ang background e beach ng boracay o kaya hundred islands, yung iba naman snow at yelo ang nasa likuran, meron din namang nasa disyerto, merong nasa Disney land, o kaya kasama nila sa mga litrato nila yung mga kaopisina nilang ibat-iba ang kulay dahil sa abroad ang trabaho nila. Sino ang mag-aakala na mararating nila ang ganun kararangyang buhay samantalang dati kasabay ko lang rin silang nakapila para umihi sa mapangheng CR namin sa school, o kaya kumain ng matabang na sopas sa canteen. Ibang-iba talaga ang epekto sa buhay mo kapag nakapagtapos ka ng pag-aaral, kapag tapos ka kasi ng pag-aaral sabayan pa ng pagsisikap siguradong para kang tae na lalangawin ng magagandang oportunidad na magdudulot sayo ng mgandang buhay. Samantalang sa mga di tapos sa pag-aaral na tulad ko pawisan man pati bayag mo sa pagsisikap swerte na lang talaga kung magakakaroon ka ng magandang buhay sa hinaharap. Pero naniniwala ako na dalawang bagay ang susi sa tagumpay na buhay… kaalaman at pagsisikap, isa man lang sa dalawang yan dapat meron ka. Wala ka mang kaalaman na galing sa paaralan dapat meron kang pagsisikap. Wala ka nang kalaaman wala ka pang pagsisikap mabuti pa kumain ka na lang ng watusi, at kahit naman may kaalaman ka pa galing sa paaralan kung wala kang pagsisikap wala ring mangyayari sa buhay mo kaya mabuti pa kumain ka na lang rin ng watusi.
Ngapala saang botika ba o hardware nakakabili ng pagsisikap, makabili nga nang swertihin din ako… o kaya meron bang “swerte trap”? yun bang parang fly trap o mouse trap na kapag dumaan yung swerte e mata-trap ko sya at maari ko na syang ikulong sa isang maliit na garapon o hawla at pwede ko na syang alagaan.

picture by: kamalayan www.flickr.com

pep_ ng baboy





Nakarinig ka na ba ng salita ng batang nagsisimula pa lang matutong bumigkas? yung mga isa o dalawang taon pa lang ang edad? kalimitan ay wala sa ayos at hindi mo gaanong maintindihan ang kanyang pagsasalita dahil “utal” pa sya. Kapag pinabigkas mo sa kanya ang salitang sako “tako” ang sasabihin nya sayo… kapag pinabigkas mo naman sa kanya ay sisi “titi” ang maririnig mo, kaya wag na wag mong tatangkain na ipabibigkas sa kanya ang salitang “pusang ina” kung ayaw mong maaga syang maparusahan ng langit dahil sa kasong pagmumura. Kung sa mga batang apat na taon pababa ay utal o bulol ang tawag anu kaya ang tawag sa mga taong disi-otso anyos pataas na ang edad na hindi naman pipi o ngongo pero dispalinghado pa rin kung magsalita? halimbawa cocom bond (coupon bond). Sabi nung teacher sa kanyang mga estudyante… “class get a piece of cocom bond, magdo-drawing tayo ng bundok” sasagot naman yung isa nyang estudyante “ma’am pwede po ba sa nok book muna (note book) di kasi ako nakapagdala ng cocom bond e” “ano? Kanina wala ka ring dalang golpen (ballpen) kaya nanghiram ka lang sa kaklase mo, ngayon wala ka ring dalang cocom bond” “ma’am sorry po hindi na mauulit” sagot nang estudyante “puro na lang sorry! sorry! Anu ka per-syir? (First year) aba! tandaan mo ter-dyir (Third year) high school ka na!… tingnan mo yang itsura mo, baket naka sanilas (tsinelas) ka lang ngayon?” “ma’am pasensya na po basa pa po kasi yung sipatos ko (sapatos)” pangangatwiran nung estudyante. Kakatuwa ano? parang usapan ng mga lango sa rugby, hehehe. Pero marami talagang ganyan magsalita, salitang di mo alam kung saang planeta nagmula. Marami pang halimbawa ng ganyang mga salita, halimbawa: nakakain ka na ba ng FRIEND fries (French fries) o hambOr-Jer (hamburger) sa JOE-llibee? (Jollibee), e nakakain ka na rin ba ng iklog (itlog) na may hakdog (hotdog) tuwing umaga pagkatapos mong mag-exOrcise? (Exercise), siguro naman bagul gam (Bubble gum) nakatikim ka na? Alam mo rin ba na masarap magka- gElfren? (Girlfriend) ang feeling mo para kang na-kurENte (kuryente) kapag inlove ka, kelangan mo lang talaga ng tARbaho (trabaho) para meron kayong pang-date. Hehehe, parang usapang addict lang talaga kapag ganyan ang maririnig mong kwentuhan. Meron pa akong narinig tungkol dun sa huling laban ni Pacman na ginanap daw sa Malanday Bay (Mandalay Bay) sa Las Vegas, Malanday? diba sa Malabon lang yun? yung syudad sa Metro Manila na laging binabaha. Anyway kilala mo ba si Bong Joey? Oo si Bong Joey… yung kumanta ng Bed of Roses (Bon Jovi). Nagkaroon din ako ng tindahan noon, minsan may bumili: pabili nga po ng Colgate yung Close up! “huh?” yun na lang ang nasabi ko. Meron pang isa, pabili nga ng Pampers yung Huggies! “huh?” yun na lang uli ang nasabi ko. Hirit naman nung isa “pare relak (relax) ka lang, mag-Andok (Andoks) muna tayo dyan sa tabi ng Caltek (Caltex)”. Meron pa, ganito naman ang banat: pare kung masakit ang mga dyuwent (joint) mo pahiran mo lang yan ng bibi uwel (baby oil) sigurado sa sunod na laro natin makaka-three puwents (points) ka na nyan!” Santisimatrinidad! Hindi mo malaman kung kanino mo isisisi ang ganitong mga pangyayari, sa gobyerno ba na dahil sa bulok na sistema ng pamamalakad nila sa programang pang edukasyon kaya ganyan ang lenguaheng alam ng ilang Filipino o sa mga tatay at nanay natin na di man lang inayos ang pagkakagawa ng ating mga dila. Isa lang ang maipapayo ko sa mga taong ganito kung magsalita, try nyo kumain ng pitong kilong inihaw na “pepe ng baboy”…

picture by: kamalayan www.flickr.com

yellow corn




…hindi tao hindi hayop; minsan matamis, minsan mapakla… minsan mabango, minsan mabaho… minsan maikli, minsan mahaba… minsan malapit, minsan malayo, ano ito?

SiiireeeEt?

Palayaw!..

Maraming iba’t ibang klase ng palayaw kagaya ng mga nabanggit sa unahan, merong matamis merong mapakla, maikli lang o kaya mahaba, meron ding mabango at mabaho. Iba-iba ang dahilan kung baket iba-iba rin ang palayaw ang mga tao, karaniwan na nagsisimula ang palayaw ng isang tao sa kanyang pagkabatapa lang at mula din sa bahay nila mismo, halimbawa ang tunay nyang pangalan ay Maria Teodora Elena, masyadong mahaba kung bibigkasin mo ito at masyado ring mahaba kung buo mo itong itatawag sa kanya, at halimbawang babatuhin sya ng kapitbahay nyo ng refrigerator o kaya ng tangke ng LPG malamang na di sya makailag at tamaan sya nito kung isisigaw mo ng buo ang pangalan nya… “Maria Teodora Elena ilaaaggGG!” Samantalang kung tatawagin mo sya ng Len-len may pag-asang daplis lang ang magiging tama nya, “Len-len ilaaaggG!!” Masyado ring aksayado sa space kung sa text sa cellphone mo isusulat ang pangalan nya at malamang na sa pangalan nya pa lang puno na ang 1/4 sheet of paper nya sa eskwelahan tuwing meron silang quiz lalo na kung ang apelyido nya ay Schwarzenegger o kaya ay Delos Propeleroiasistimatiko (may ganun bang apelyido? tunog sakit ng barko yun ah!) Meron din namang mga palayaw na matamis pakinggan, halimbawa; Denver, Dominador pala ang tunay na pangalan nya. Patty, mula sa tunay na pangalang Cleopatra. Si Terry, Eleoterio pala ang buo nyang ngalan. Meron ding palayaw na medyo hindi matamis pakinggan, halimbawa Berto (tunog magtataho) samantalang pwede namang Robert para medyo sosyal ang dating o kaya ay Bob dahil Roberto naman ang tunay nyang pangalan. Yung Antonio tinatawag na Tonyo (tunog barbero) kahit na ang mas maganda e Tony. Meron namang mga palayaw na isang libong kilometro ang layo sa tunay nyang pangalan. Naalala ko tuloy yung kaklase ko dati nung high school pa lang ako, pumunta ako sa bahay ng isa kong kaklaseng babae di ko na lang maalala kung anong dahilan basta pumunta ako sa kanila… “tao po… andyan po ba si Dolores?” “sinooO??” tanung nung dumungaw sa bintanang kapitbahay nila (I’m barking at the wrong door pala hehe…) ” si Dolores po… Dolores Ramirez” “ah si Jasmine… doon sa kabilang pinto.” Dolores –Jasmine… layo no? kaya naitanong ko sa kanya baket ganun kalayo palayaw nya sa tunay nyang pangalan, paborito pala ng nanay yung bulaklak na Jasmine. Isa pang malayong palayaw yung “Erap” ni Joseph Estrada. May mga palayaw din na hindi na akma sa itsura ng pinalayawan, halimbawa yung kapatid ko trenta anyos na sya ngayon pero Bunso pa rin ang tawag sa kanya, kaya yung mga pamangkin namin tito Bunso o uncle Bunso ang tawag sa kanya, meron pa ngang tumatawag sa kanya ng kuya Bunso (meron bang bunso na kuya?) meron pang sisenta anyos na at trenta na ang mga apo e Totoy pa rin ang palayaw. Si aleng Nene na dalawang beses nang nabalo at apat na beses nang nakapag-asawa. Si aleng Baby na siyam ang anak (dose sana yun namatay lang yung tatlo). Pero isa sa nakakatuwang naging palayaw e yun bang kabaliktaran ng itsura nya, halimbawa yung kapitbahay namin na kasinlaki lang ng anak ko na limang taon lang ang edad e tawagin ba namang Jabar, kung hindi ako nagkakamali e 6’11” ang height ni Jabar tapos itatawag mo sa taong 3’11” lang ang height, minsan tinatawag din syang “tangkad”. Yung tricycle driver na kakilala ko hindi naman sa nilalait ko ang itsura nya pero kung nakita mo na si Master Yoda ng Star Wars parang nakita mo na rin sya, pero “pogi” ang palayaw nya. Meron pang isang nakakatuwang palayaw, yun bang palayaw na nakabase mismo sa itsura nung tao, halimbawa yung isa pang tricycle driver sa lugar namin, dahil may kahabaan ang baba at kapag yumuko sya ay tumatama sa dibdib nya ang mahaba at matulis nyang baba na maari nyang ikamatay anumang oras… “baba” ang naging palayaw nya. Yung baranggay tanod sa amin na napapanot na “noo” naman ang palayaw nya. Meron ding mga kabataan dito sa lugar namin na parehong Macmac ang pangalan, kaya madalas kapag itinatanong mo kung nasaan si Macmac… “sinong Macmac?” ang tanong na ibabalik sayo ng pinagtanungan mo, kaya minabuti ng mga may pagmamahal sa bayan na mga kabataan dito sa amin na bigyan sila ng pagkakakilanlan para di na nakalilito ang mga pangalan nila. Si Macmac Bangaw, bangaw dahil meron syang higanteng nunal sa pisngi na akala mo nakadapong bangaw sa malayuan. Macmac Ulo naman yung isa dahil akala mo may sakit syang hydrocephalous dahil sa laki ng ulo nya noong bata pa sya. Nuong nagtrabaho naman ako sa isang pabrika ng tela meron din akong mga nakatrabaho na may kakaibang palayaw. Si William na tinatawag ding “Richard”… Richard Buni dahil meron syang isang dangkal na buni sa tagiliran nya. Si Romy Putol, Romy putol dahil putol ang isa nyang hintuturo at si Manny Panday, panday dahil kahawig ni Panday (FPJ) ang porma nya nung una syang pumasok sa pabrika… naka-pitted na pantaloon at nakasuot ng bota, ang pantaas nyang damit V-neck na t-shirt na putol ang manggas kaya akala mo sya si Flavio at si tata Temyong na lang ang kulang. Pero ang higit sa lahat ng palayaw na di ko makakalimutan at wag naman sanang maging palayaw ng anak ko e yung palayaw ng kaeskwela ko noong nasa elementarya pa lang ako, si Jun-jun (di nya tunay na pangalan) Jun-jun Tae… baket tae? Tumae kasi sya noon sa eskwelahan dahil nasobrahan yata sa kakakain ng yellow corn na tinitinda sa paligid ng eskwelahan namin. Hanggang ngayon tuloy na meron na kaming kani-kaniyang pamilya Roland Tae na ang tawag sa kanya. (patay! Nasabi ko rin tunay nyang pangalan… soriii…hehehe)

picture by: kamalayan www.flickr.com