Thursday, April 30, 2009

len




Baket nga ba kelangan nating masaktan? baket kelangan nating lumuha? Baket merong sa una’y matamis at pagdating sa huli’y mapait pala? baket kelangan nating magkamali? baket kelangan nating magsisi? Pwede kayang ipagkibit balikat na lang kahit alam mong naaagrabyado ka na? pwede kayang wag na lang umangal kahit nasasaktan ka na? pwede kayang wag na lang kumibo kahit di ka na makahinga sa pagkakasakal? Pwede kayang ihipan na lang kapag napapaso ang puso? Baket kelangan ikaw ang laging magbigay? Di ba pwedeng sya naman ang magparaya? Kulang pa ba ang mga tiniis ko? hanggang kelan ako magtitimpi? Iiyak na lang ba ako lagi? Pesteng pagmamahal to!!!

Ganyan yata talaga ang pag-ibig, minsan di mo mawari, minsan mahirap sakyan, minsan matamis sa una sa huli pala mapakla. Hindi kasi lahat ng love story happy ending, hindi kasi lahat ng shampoo hiyang sa lahat ng ulo.

Pero dahil ba umiyak ka kahapon suko ka na? dahil ba nasaktan ka kagabi ayaw mo na? dahil ba nahirapan ka kanina tama na? …naniniwala ako sa pagbabago pati na rin sa milagro, baka bukas makalawa babalik sayo ang taong minsang nanakit sayo, babalik sya hindi para saktan ka uli, kundi para pahirin nya yung luha mo sa mata, na sya rin ang may gawa… sabi nga e nagising na sya. At kung ako sayo sa pag-gising nya, timplahan mo sya ng masarap kape, hainan mo ng mainit na pandesal at abutan mo ng dyaryo para maramdaman nya na mas masarap mag-almusal sa bahay nyo.

Monday, April 27, 2009

kabado




Mas nakaka-kaba pala kapag ang nagbabasa ng mga istorya mo ay kakilala mong personal, pakiramdam ko bawal akong magkamali, pakiramdam ko pagtatawanan nila ako sa oras na sumablay ako. Nakakapraning, nakakabuang, nakakapressure… nalaman kasi ng mga kaklase ko noong elementary na nagba-blog ako kaya madalas silang bumisita dito, sila yung mga kaklase ko noon na reyna ng essay writing, editor in chief ng school paper at siguradong duduguin ang ilong mo kapag nilabanan mo sila ng inglesan… samantalang ako editorial cartoonist lang noon, di gaya nila di kailangang mag-isip ng malalim, drawing lang ang puhunan. Di bale sana kung iba na lang ang magbabasa ng mga gawa ko dito, anu ngayon kung mali-mali ang aking tira ‘e hindi naman nila ako kilala… para tuloy nagpa-flash back saken yung isang pangyayaring dapat ko nang kalimutan pero hindi maalis-alis sa aking isipan, nung na-pin-point ako ng teacher namin na mag-lead ng Panatang Makabayan sa flag ceremony noong ako ay first year high school pa lang, kakaba-kaba akong tumayo sa harap ng lahat ng pang-umagang klase -first year hanggang forth year. Natapos na ang Bayang Magiliw este Lupang hinirang… ako na ang susunod. Itinaas ko ang aking kanang kamay para pangunahan ang lahat, lahat din ng mga mata alam kong sa akin nakatingin, di ko naman alam kung saan ko ibabato ang aking tingin… tub-tob!... tub-tob!... sigaw pa ng tensyonadong puso ko sa loob ng dibdib ko. Dahil sa kaba na ako ay magkamali di ko namalayan nagkamali na nga ako… tandang-tanda ko pa ang lahat… hat… hat…hat(fading)… -tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mamamayang makabayan at masunurin sa batas. Paglilingkuran ko ang aking bayan nang walang pagiimbot at nang buong katapatan… bi…bi…bilang ganti(?) …ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang, susundin ko ang mga tuntunin ng aking paaralan… tutuparin ko ang mga tungkulin ng isang mama… (putsa! umulit yata ako!!!) …mayang makabayan at masunurin sa batas… tuuu.. tu…tutuparin ko ang mga tung… (‘tangina! umulit nga ako…) biglang nag-blurred ang paningin ko, parang gusto ko na lang kainin ako ng lupa sa pagkakataong iyon, o kaya ay tumbahan na lang ako ng flag pole at tamaan sa ulo sa mga oras na iyon… Ganun yata talaga kapag pressured ka, kung kelan ayaw mong magkamali tsaka ka naman lalong ginagahasa ng kaba na nauuwi tuloy sa tuluyan mong pagkakamali.

picture by: Indian Pana www.flickr.com

Thursday, April 23, 2009

Bong Joey




Baket walang 1.5 Liters na Yakult gaya ng Coca Cola at PEPSI?

Nakakalason ba ang expired na lason?

Kapag sinakop ba tayo ng America mag-i-snow na rin dito sa Pinas?

Ilang taon ka bang makukulong kapag ang hatol sayo ay habang buhay?

Anong klaseng unggoy ba ang “Monkey eating Eagle”?

Yung sinasabi sa Bible na “The Good Samaritan” taga-Samar ba sya?

Kapag sinabi bang “No Littering” ibig sabihin bawal magsulat sa pader?

Kilala nyo ba si Bong Joey? …yung kumanta ng Bed of Roses?

Pito nga ba ang kaibigang dwarfs ni Cinderella?

Ano ba ang tamang spelling… “OKAY” o “OKEY?” …o mas okay ang “O.K.”, ang gulo!!!

Nakakatuwang mga tanong, pero aminin natin maraming mga Pinoy ang may ganyang kaisipan, kaisipang di mo malaman kung kanino mo isisisi, sa sistema ba ng edukasyon sa Pilipinas o sa mismong may-ari ng utak… hindi tayo nagdudunong-dunungan o nagpapanggap na matalino dahil alam naman nating lahat na wala naman talagang taong bobo, maaaring kulang lang sya sa kaalaman o impormasyon. Ako mismo sampung taon akong nag-aral sa elementarya at High School pero kelan ko lang napagtanto na mali palang tawaging “black board” ang pisarang ginagamit natin sa paaralan dahil berde ang kulay nito at hindi itim. Meron namang ilan “Xerox” ang tawag sa copying machine kahit na Konica ang tatak nito. Noon ngang may tindahan pa kami may bumili sa akin, ganito hirit nya… “pabili nga ng Colgate yung Close Up…” at meron pang isa “pabili nga ng Pampers yung Huggies…” …’namputa ang gulo! …magpa-Kodak na lang kaya muna tayo, para merong merong tayong remembering? sey tsiiis...

picture by: kamalayan www.flickr.com

unan




Unan. Sino ba sa atin ang hindi nakakaalam kung ano ang unan, at sino ba sa atin ang di gumagamit ng unan? Kung meron mang taong di gumagamit ng unan di ko alam, di pa kasi ako nakaka-encounter ng taong di nag-uunan. (Back to the topic) …nung ako ay binata pa lang minsan ko nang pinangarap na maging isang simpleng unan na lang, simpleng unan ng babaeng aking inaasam!!! Ang sarap sigurong maging unan na lang kapag napakagandang dalaga ang uunan sayo. Magdamag na nakadampi sayo ang makinis nyang pisngi pati na rin ang mabango at malambot nyang buhok. Sigurado ring may mga pagkakataon na yayakap-yakapin ka nya lalo na kapag malamig ang gabi. Kahit pa sa panahon ng kanyang kalungkutan ikaw ang magiging karamay nya, ikaw ang magiging taga-absorb ng luha nya kapag sya ay magdamag na umiiyak. At kahit pa nga laway nya ang tumulo sayo ay malugod mo itong tatanggapin. Pero ang mas masaya kapag ginawa ka nyang tandayan, yun bang nakaipit ka sa gitna ng kanyang mga hita habang sya ay natutulog ng mahimbing sa buong magdamag (sarrraaap!)… at isipin nyo na lang kung gaano kayo kaswerte maging unan kapag summer at ang dalagang nagmamay-ari sa inyo ay top less o kaya naman ay totally nude kung matulog dahil sa init! (mas masaraaap!)… sinong manyak este binata ba ang aayaw maging unan kapag ganyan ang yung kalagayan gabi-gabi… Pero maiba naman tayo, paano naman kaya kapag ang nagmamay-ari sayo ay isang lalakeng mukang paa? Oo, mukhang paa! Sayo tutulo ang malapot at panis na laway nya, ikaw rin ang magiging absorber ng pawis ng kanyang mukha dahil masyadong oily ang skin nya. At sa mga pagkakataong umuuwi sya ng lasing, malamang masukahan ka pa nya (di nya pa naman nginunguya yung pulutan nya kaninang kinilaw na dilis). At sa pagkakataong nag-iinit ang kanyang pakiramdam at gusto nyang magparaos, ikaw ang pagdidiskitahan nya at gagawing kanyang… alam mo na. Malamang kapag di ka nakailag ikaw rin ang magiging absorber ng buo-buo nyang… alam mo na rin (yaikzZ! amoy zonrox). Dito na nga lang natin tapusin tong wentong walang wenta, nagiging baboy na ang usapan e… ang unan. Bow!

picture by: kamalayan www.flickr.com

Sunday, April 19, 2009

radiation (turon ikalawang init)




…kung sa grade school bini-baby tayo ng mga teacher natin, sa high school medyo meron na silang pangil, kaya mas may excitement na ang laban. Mahirap na masarap ang high school, mahirap dahil oras-oras quiz, araw-araw assignment, lingo-linggo recitation, buwan-buwan exam, taon-taon may back-subject. Masarap naman kasi araw-araw makikita mo yung crush mo at linggo-linggo may allowance ka. At parang pelikula rin ang high school, merong drama, action, suspense-thriller, adventure, love story (yeheee!) at syempre isang tambak na kakomedyahan.

Umpisahan natin sa drama, madalas kang mapa-drama kapag lumiban ka sa klase at hinihingan ka ng teacher mo ng rason kung baket absent ka na naman kahapon, may dala-dala kang pekeng sulat na may pekeng pirma ng nanay mo at sabay pasok ng linyang… “Ma’am pasensya na po may lagnat po kasi ako kaya… ubo! ubo! ubo! …di ako nakapasok kahapon…” drama diba? may paubo-ubo effect ka pa…

-action, naka-squat ka at tumatagaktak ang pawis at sipon mo sa isang sulok ng classroom nyo habang di pa natatapos mag-lecture ang terror na teacher mo sa algebra… dahil di ka na naman gumawa ng assignment mo.

-suspense-thriller, kinikilabutan ako noon kapag time na noong dambuhala naming teacher sa “tsemistri”, di ko alam kung baket ang init-init ng dugo nya sa akin, para ako lang naman ang nagbansag sa kanya na “BULLDOG” pinag-initan nya na ako buong taon…

-adventure, haha! madalas kung gawin yan kapag nagka-cutting class ako kasama ng mga “mababait” kong kaklase, tumatalon kami sa bakod (nay, alam mo na ngayon kung baket madalas tastas ang pundya ng pantalon ko dati).

-love story… kelangan pa ba akong magbigay ng halimbawa dito? Okey sige… eto halimbawa ko… nung “fersheer” high school ako meron akong girlfriend, nagkahiwalay lang kami kasi nag-transfer ako ng paaralan nung “secanjeer” kami at pagbalik ko noong “terdjeer” di na kami nagpansinan, meron na kasi syang ibang taga-bitbit ng bag nya. “Fortjeer” na kami dedma pa rin, hanggang sa grumaduate kami… kaya lang we meant to each other yata kaming dalawa, nagkita uli kami nung pareho na kaming may TARbaho, -nagkamustahan, nagkwentuhan, ngayon kasal na kami… mag-asawa na kami.

-comedy, nakoow!!! punong-puno ang high school sa kakomedyahan! Isa na dyan yung pag-utot sa classroom, sino ba sa atin ang di nakaamoy ng utot ng kaklase? Kapag merong sumagot na “ako” sinungaling yun o kaya naman sya yung palautot sa klase nila. Pag may nagpasabog ng lintek na utot na yan sigurado pulasan sa silya yung mga inabot ng radiation, isipin nyo na lang ang senaryo sa classroom nyo kapag buong klase mo ay galit na galit na nagrereklamo dahil merong umutot, sigurado kanya-kanyang takip ng panyo sa ilong ang mga apektado ng pagsabog. Naalala ko yung isa kung kaklaseng babae noon na walang dalang panyo kaya yung palda nya ang ginawa nyang panakip sa kanyang ilong para di makalanghap ng mabahong carbon dioxide, kaya lang pagtayo nya nakita namin yung panty nya na kulay pink (wiiit-twiiit!!!). Pero alam nyo bang kahit may suspek na ay wala pang napaparusahan sa kaso ng pag-utot, dahil yan sa kaukulangan ng sapat na ibidensya… pano nasingot na ng buong klase yung ibidensyang magdidiin sana dun sa suspek.

Ganyan sa high school, masaya… napaka-saya… ansarap balik-balikan at kahit tumanda na ako di ko yan makakalimutan.

picture by: dumpyreddy www.flickr.com

turon (first blood)




Second week nitong Abril pumunta ako sa alma matter ko (Bagong Silang High School), para kumuha uli ng good moral certificate, mag-aaral kasi uli ako ngayong pasukan. Nasa daan pa lang ako may kakaibang pakiramdam na akong nararamdaman –excitement na hinaluan ng kaba. 13-years na kasi akong graduate sa pampublikong paaralang yun. At lalo akong naging excited nang nasa gate na ako, una kong hinanap yung dating school guard kahit na alam kong matagal na syang patay -si Gretchen, lady guard sya, ang totoo nyan di talaga sya isang guard na naka-uniform dahil isa syang baranggay tanod, bansag lang namin yung Gretchen sa kanya, pero hindi talaga sya kasing ganda ni Gretchen Barreto. Halos di ko na nakilala yung dati kong eskwelahan nang makapasok na ako sa campus mismo, yung dating maalikabok na school quadrangle kung saan kami nagmamartsa kapag CAT class namin kahit na katanghaliang tapat ay sementado na ngayon, pati yung basket ball court na pinagsayawan namin ng “manlalatik” sa saliw ng tugtog na “What’s Up” ng “4 None Blonds” noong Foundation Day ‘e covered na rin ngayon, doon din ginanap yung graduation ceremony nung kami ay magtapos. Napakarami nang nagbago sa eskwelahang iyon, yung mga teacher namin noon na “racer” na bike lang ang service o kaya naman ay nagta-tricycle lang kung pumasok ay de kotse na ngayon, pati yung mga teacher ko noon na laging naka-pamada ang buhok ngayon ay puro na sila panot, marami na rin akong mga naging-teacher na kinuha na ni Lord (sumalangit nawa ang kaluluwa nila –sabay sign of the cross), at sana napatawad na nila ako sa mga kasalanang pinag-gagawa ko sa kanila noon (amen). Sayang lang sarado ang canteen nung pumunta ako, wala na kasing klase kaya bakasyon na rin muna yung canteen. Kakain sana ako ng paborito kong merienda noong ako ay estudyante pa lang doon -sopas na saksakan ng tabang at saksakan ng init! Kapag umorder ka ng sopas noon maswerte ka na kapag nakakuha ka ng sahog nitong buto ng manok, yung sangkap na carrots nga bihira akong makadale laman pa kaya ng manok! Kung hindi sopas turon ang tinitira ko noon kapag recess, turon na puro lumpia wrapper at ang laman saging syempre… saging na saba na hinati sa apat na parte, kaya sa isang saba apat na turon ang nagagawa (tubong lugaw noh?). May isa pang sikat na menu noon sa canteen namin, yung monay na pinalamanan ng corned beef na puro patatas at konte lang ang corned beef, at ang panulak –samalamig na matabang. Madalas nga ginagawa na lang naming pangsumpit yung sahog nitong maliliit na sago. Iihi rin sana ako nung pagkakataong yun, kaya lang tiniis ko na lang baka kasi barado pa rin yung mga CR at baka saksakan pa rin ng panghe hehehe, pero palagay ko hindi naman na siguro. Pero kahit na maraming mga kapalpakan sa eskwelahan kong iyon dati, mahal ko ang paaralan kong iyon, utang ko sa kanya kung anumang meron ako ngayon. At kung papalarin na makatapos ako ng bagong kursong kukunin ko ngayon, doon ko pipiliing magturo.

Itutuloy…

picture from www.flickr.com

Thursday, April 16, 2009

ngiti (aleng pekta reloaded)




Nagkaroon ako ng idea na isulat to dahil doon sa mga komento ni kaibigang Mike sa isang entry ni kasamang lordcm, ramdam ko sa mga kumento nya doon yung pakiramdam na para bang wala ka ng pag-asa pa dahil sa mga problemang nararanasan. Bakit nga ba kasi kailangan pa nating dumaan sa mga pagsubok? Bakit ba kailangan pa nating mahirapan? Kalimitan ang isa sa sinisisisi ng marami kapag nakakaranas ng ganyang mga pagsubok sa buhay ay ang “nasa itaas”. Madalas ganyan din ako, di ko na lang ididitalye sa inyo kung anong mga problema ang pinagdaanan ko na at kasalukuyang pinagdadaanan pa. Kapag nakakaranas ako ng lungkot dahil sa mga problema minsan naitatanong ko talaga sa sarili ko, baket ba kailangang daanan ko ito? baket kailangang mahirapan ako? Di naman ako masamang tao, pero baket kailangang danasin ko lahat ito? Lalo na kapag sobrang nahihirapan na ako at kailangan ng tumawag sa itaas pero parang “dedma” lang S'ya sa akin… doon ako lalong nawawalan ng pag-asa. Bingi ba S'ya o nagbibingibingihan lang kaya di N'ya marinig ang pagtawag ko? Bulag ba S'ya o nagbubulagbulagan lang kaya di N'ya makitang lumuluha na ako sa hirap? Manhid ba S'ya at di nya narararamdamang nasasaktan na ako? Putangna! Ipinahintulot N'yang ipanganak ako tapos hahayaan N'ya lang pala akong mahirapan. Sa hirap ng nararanasan ko may mga gabing halos di na ako makatulog, halos mabaliw na rin ako sa pag-iisip ng sulosyon sa mga suliranin ko, pero masulosyunan ko man yung isa kong problema eto at meron na namang bago, ano bang tingin N'ya sa akin walang karapatang ngumiti? Aba, kapag ganyan nang ganyan ayawan na lang! …minsan nga hindi na sulosyon sa problema ang ipinananalangin ko sa Kanya kundi sana sa pagtulog ko wag na akong magising pa, pagod na kasi ako… suko na ako… di ko na kasi kaya… At sa wakas isang umaga, pag-gising ko parang walang nangyari, wala na rin lahat ng problema ko, sa pagkawala ng marami kong problema nagagawa ko na lahat ng mga bagay na gusto kong gawin pero di ko namamalayan napapalayo na pala ako sa Kanya, ni hindi ko na S'ya naaalala bago ako matulog, di gaya noong may problema pa ako, gabi-gabi di ako nakakalimot tumawag sa Kanya pero ngayong wala akong suliranin ni hindi ko S'ya pinasasalamatan man lang bago ako matulog. Nasa aken pala ang pORBlema, kaya N'ya phala ako pinahihirapan dahil kapag may problema ako lagi ko S'yang tinatawagan, ang mga bisyo iniiwasan ko para lang ipagkaloob N'ya ang panalangin ko. Kaya ang shusi pala, dapat lagi tayong lumalaphet sha (hik!) Kanya… lumayo taYo sa mashashamang gawa at mhagbagoNg bUhay… alheng Phekta e… isha pa nga ulit giN khapeThan… meDyo bi-(hik!)-Tin lang khame diTto…

(aleng Pekta) GAGO! Di pa nga bayad yung utang nyo nung nakaraang entry mo uutang na ka na naman… UTANGNA! Sa iba na ka na lang mangutang!!! Bwiseeet!!!


(alam ko kahit papano merong sustansya ang mga sinabi ko dito, ginawa ko lang katatawanan ang dulo dahil isang magandang panlaban sa lungkot ang ngiti… smile!!)

picture by: kamalayan www.flickr.com

Sunday, April 12, 2009

aleng pek..pek..pekta!




Nitong nakaraang mga araw, ginunita ng maraming mga Pilipino ang tinatawag na “Holy Week”, ito yung kasalungat ng “Pasko”. Kung anung saya ng pagdiriwang ng pasko sya namang lungkot ng Holy Week o Mahal na Araw a.k.a. Semana Santa. Sa loob ng pitong na araw na ito, dito nagtitika ang maraming Pilipino, nagsisisi sa mga kasalanang nagawa at ginugunita ang kamatayan ni Cristo. May mga taong di nagkakasya sa pananalangin at paghingi ng tawad kaya nagagawa pa nilang saktan ang kanilang sarili tanda ng pagpapakita nila ng totohanang pagsisisi sa mga nagawang kasalanan, pasan ng krus dito pasan ng krus doon, merong hinahagupit ang sariling katawan hanggang sa dumugo, merong ding mga naglalakad ng nakatapak lang sa mainit na aspaltong daan ng may kung ilang kilometro, at ang pinaka sukdulan e yung nagpapapako sa krus. Lahat yan ay pagpapakita ng matibay at malalim na pananampalataya ng mga Pilipino. Ang masaklap lang nito pagkalipas ng mga ilang araw matapos maghilom ang mga latay at sugat na dulot ng mga pagpapahirap sa katawan balik na naman ang maraming mga kailan lang ay tila santo sa kabanalan sa pag-gawa ng kasalanan, wala bang iniwan sa isang aso na kumakain ng isinuka na niya o sa isang baboy na pagkatapos paliguan ay babalik sa putik at muling maglulublob sa dumi, kahibangan ang tawag dito. At ang pinakamabigat ay ang panloloko nila sha kanilang sarili at sa hiningan nila ng tawad mismo. Buti na lang at di pikon ang nasa itaas dahil sa kabila ng paulit-ulit na pag-gawa natin ng kasalanan ay nadyan pa rin sya, pero wag nating kalilimutan na lahat ng bagay ay may sukdulan at hangganan, kagaya ng panahon ng lolo nating lahat na si… si… “lolo Noe”, sha dami ng nagawang kasalanan ng mga tao pinalubog sa tubig ng may (hik!) likha ang buong daigdig at tanging shi lolo Noe lang kasama ng kanyang asawa’t tatlong anakk at tatlong manugang ang natirah. Gannun din sha panahon ni Lot, shinunog ng may kappal ang daigdig sha famamagithan ng pagpa-paulan ng apoyy… hoy! tangna! kanina pa koh wento nang wento ditho tulog ka na palah… (hik!) bumangon ka nga jan at iinum pah tayoh… (hik!) aleng pek.. pek… Pektah alaK pah!!! bigYAn mo pha (hik!) kami nG iSa pAng Gin kaPitan… liShta muna hA… bukash ko nA ba… gggGWaaARk!!! eeEww…

picture by:kamalayan www.flickr.com

Friday, April 10, 2009

istik




Kapag ako ay nakakaramdam ng ginaw lalo na kapg tag-ulan, masarap pampainit ang yosi, kasing sarap ng paghigop ng sabaw ng tinola. Gamot din sa inip ang yosi. Sa umaga pag-gising habang humihigop ng mainit na Nescafe mas masarap kapag sinasabayan ng yosi. Pagkatapos kumain ng almusal, tanghalian o hapunan yosi ulit habang hinahagod ang tiyan na puno ng kanin at ulam. Masarap ding tumae habang humihitit ng sigarilyo. Noong nakaraan ngang laban ng Ginebra at Talk & Text nanalo ako sa ending, sa sobrang saya ko nagpayosi rin ako. Yosi rin ang kasa-kasama ko kapag dinadalaw ako ng lungkot, madiin ang bawat hitit habang nakatingin sa malayo, at sa bawat buntong hininga kasabay nito ang makapal na usok palabas sa aking ilong, nang maupos na ang yosi ko at filter na lang natira pinitik ko ito sa lupa sabay apak dito –solve na ang lungkot ko, may sagot na rin ang problema ko. Minsan namang nag-away kami ng misis ko sa labas ako pinatulog, badtrip! ang daming lamok, buti na lang meron pa akong yosing naiipit sa wallet ko, epektibo na ring kapalit ng Baygon. Noong manganganak naman ang asawa ko, tensyonado ako mula paa hanggang ulo kaya para mapakalma ang sarili ko lumabas muna ako at nag-take ng medicine –Marlboro. Pagbalik ko ng delivery room –voila! lumabas na ang anak ko, tatay na ako! “NANINIGARILYO KA NA NAMAN!!!” yan ang madalas na bulyaw ng misis ko sa akin… “WALA NAMANG NAIDUDULOT NA MAGANDA YANG SIGARILYO SA KATAWAN MO!!!” wala daw naidudulot na maganda? (bubulong-bulong kong sagot sa sigaw nya) …sa katawan ko oo, pero sa mahal kong bayan meron (pangangatwiran ko pa). Di mo ba alam na sa bawat bili ko ng istik ng sigarilyo ay may tax ito? At yang tax na yan ay nagagamit ng ating gobyerno sa pagpapagawa ng mga tulay, paaralan, eskwelahan, ospital at iba pang magagandang proyekto para sa bayan at sa tax na yan… PAK!!! (sampal ng asawa ko) “GAGO!!!” Bulyaw nya pa, sabay talikod sa akin habang hinihilot ko naman ang mukha ko…

picture by: kamalayan www.blogspot.com

respeto




Respeto

Simpleng kaisipan… na hindi makita sa ilan.

Kung may respeto sana tayo sa batas trapiko, hindi natin gagawing manuhol sa traffic enforcer na humuli sa atin dahil sa hindi natin pagsunod sa simpleng traffic rules. Kung may respeto sana ang traffic enforcer sa batas trapiko at sa kanyang sarili mismo, di nya papayagang suhulan sya ng isang traffic violator.

Kung may respeto sana ang politiko sa mamayang Pilipino, di nya gagawing bilhin ang boto ng tao para lang muli syang mailuklok sa pwestong kanyang hinangangad. Kung may respeto sana sa sarili ang botante di nya gagawing ibenta ang kanyang boto na katumbas na rin ng pagbebenta nya ng kanyang sariling kalayaan.

Kung may respeto sana ang magkakapatid na Kristiyano at Muslim sa Mindanao, tapos na sana ang digmaang wala namang katuturan. Kung may respeto lang sana sa paniniwala ng bawat isa, sa libro na lang sana ginagasta ang salaping ipinambibili ng mga bala ng mga sundalo para ipangkitil sa buhay ng kapatid nyang Muslim sa Mindanao.

Kung may respeto sana sa kalikasan ang bawat isa, wala sanang namamatay sa mga landslide kapag malakas ang ulan, wala rin sanang mga kalyeng lubog sa baha kapag pumapatak ang ambon. Wala rin sanang mga nakakalbong kagubatan at kabundukan, at meron pa sanang tirahan ang mga ligaw na hayop sa Pilipinas.

Kung may respeto sana sa batas ang lahat ng mga negosyante, malaking tulong sana sa bayan kung nagbabayad sila ng tamang buwis, kung lahat sila’y sumusunod sa batas wala sanang mga menor de edad na nagiging biktima ng child labor.

Kung may respeto sana sa kanikanilang mga kabiyak lahat ng mga may asawa na, wala sanang battered wife, wala sanang tinatawag na domestic violence, wala rin sanang pagsasamang nauuwi sa deborsyo at wala rin sanang tinatawag na broken family.

…kung may respeto sana tayo sa sarili natin mismo, hindi sana natin nakakaligtaang magbigay ng respeto sa kapwa Pilipino natin.

Respeto. Kung meron lang sana tayo nito naabot na sana natin ang kaunlarang inaasam.

picture by: kamalayan www.blogspot.com

falling star




Nangangamoy eleksyon na naman! marami na namang mga pautot na mauuso ngayon. Umpisa na naman ng pagpapakitang gilas ng mga politiko, yung mga politikong akala mo ay Hollywood actor sa hirap lapitan ay nakikipag-beso beso na naman ngayon kahit sa mga tindero’t tindera ng isda sa palengke. Yung mga politikong “madaling lapitan, pero mahirap hanapin” very visible na sila ngayon. Maraming ring mga proyektong ang kasalukuyang ginagawa, kaya lang baket tuwing eleksyon lang ganito? Paano sinasadya talaga nila yun para nga mas pogi sila bago ang eleksyon (yung mga proyekto pa nilang ipinagagawa lalagyan nila ng malaking karatula na merong malaking pangalan nila “A priority project of Mayor KURAKOT”). Sabi tuloy ng iba sana taon-taon eleksyon para taon-taon walang tigil ang pagpapagawa nila ng mga kapakipakinabang na mga proyekto.
Uso na rin ngayon ang pagpapa-pogi ng mga politikong tatakbo, pa-press con dito pa-press con doon, smile dito smile doon, kaway dito kaway doon, TV commercial dito, TV commercial doon. Kapag nakapwesto na mga isnabero na sa personal. Ilang buwan pa uso na rin ang mga campaign posters, campaign jingle at kampanya mismo. Kasabay nyan ang pag-uso rin ng kidnapping at bank robbery (doon kasi kumukuha ng pondo yung ibang politikong tatakbo), sana mali ang ispikulasyon kong ito na ispikulasyon din ng marami.
At sa campaign period tiyak patok na naman ang pagsasayaw ng mga politiko sa mga campaign rally nila, kahit parehong kaliwa ang paa at kahit pa magmukang TANGA sige lang, kahit magmukang payaso okey lang makuha lang ang simpatya ng taong bayan, cha-cha dito boogie doon, minsan nga spaghetting pababa at pataas pa ang binabanatan nila… tsk! tsk! tsk! Syempre di mawawala dyan yung pagandahan ng mga plataporma de gobyerno nila sa wikang tagalog, pero kapag nasa kongreso na akala mo Amerikano kung magtalumpati di tuloy maunawa ng karaniwang Pilipino ang pinagsasasabi nila na puro panloloko lang pala.
At sa mismong araw ng eleksyon vote buying naman ang uso, sa konteng halaga bibilhin nila ang kalayaan at karapatan ng mga botante, sinasamantala nila ang gipit na kalagayan ng mga pobreng Pinoy, kapalit noon apat na taon o walong taon nilang pagnanakaw sa bayan. Sa panahon naman ng napakabagal na bilangan (sana hindi na ngayon dahil automated na daw ang eleksyon) dagdag bawas at pandaraya naman ang pinaka tampok dyan syempre, para kang nakakita ng falling star sa langit tapos ay hindi ka nagwish kapag di ka nandaya sa halalan. Sana bago mag-eleksyon bangungutin ang mga politikong ganyan ang trip kapag halalan, dahil kung hahaba pa ang buhay nila sila ang lalong magpapahirap sa naghihingalo nating bayan.

picture by: kamalayan www.blogspot.com

paniniwala




Bukod sa mga pamahiin marami pang kakatwang paniniwala ang sinusunod at pinaniniwalaan ng mga Pinoy… paniniwalang mula pa sa ating mga kanunu-nunuan at nauso noong di pa kilala ang friendster at electric-mail. May mga paniniwalang parang tama sa unang dinig, meron namang halatang-halatang for money making lang.
-manghuhula …marami nito sa mga gilid ng simbahan minsan naman sa mga peryahan, nagagawa daw nilang malaman ang mga pwedeng maganap sa hinaharap, nalalaman daw nila kung kelan ka makakapagasawa at kung sino ang iyong magiging asawa, nababasa rin daw nila ng iyong magiging kapalaran, pero ang ipinagtataka ko lang bakit di nila hulaan yung pinaka the best na trabaho para sa kanila para di na sila nanghuhula na lang at pakalat-kalat sa bangketa ng Quiapo.
-feng sui …obviously galing ang paniniwalang ito sa kaugaliang Intsik, magiging swerte ka daw sa pamumuhay kapag sinusunod mo ito, iaayon mo sa tamang direksyon ang iyong mga kasangkapan sa bahay, pwesto ng mga pintuan pati kung saan dapat nakaharap ang higaan at kalan, pati yata tamang pag-upo sa inodoro dapat nakabase sa feng sui para di ka mahirapan sa pag-tae, pero ang napapansin ko lang mas magiging maswerte ka daw kapag meron ka nung mga kung anu-anong abubot nila, merong pampalapit ng swerte at meron ding kontra malas, pero lahat ng iyon bibilhin mo, walang libre doon, in-short -nabibili ang swerte. Ang masaklap lang, kapag nakabili ka na ng mga pampaswete kuno nila papayuhan ka nila na sa’yong mga kamay pa rin nakasalalay ang ikauunlad ng ‘yung buhay, kelangan daw laging tumawag sa taas at magsikap para umasenso. Susmaryusep! Yun lang naman pala ang susi sa tagumpay bakit kelangan mo pang sumunod sa feng sui at baket kelangan pang bumili ng mga parapernalyas nila? Baket kulang pa ba ang pagsisikap at pananalangin sa itaas para ikaw ay umunlad?
-multo …isa ito sa pinaka paborito kong kalokohang pinaniniwalaan ng marami, kasama sa category ng mga multo yung white lady, babaeng nakasuot ng puting pantulog (nighties ha hindi pajama), may mahabang buhok na tumatabon sa kanyang mukha at nakalutang sa lupa kung lumalakad. Nagpapakita sila sa mga liblib na lugar, lumang bahay, madidilim na daanan, mga tulay na walang ilaw minsan pati sa mga paaralan at simbahan. Ito raw yung mga kaluluwang di matahimik dahil di nabibigyan ng katarungan ang kanilang kamatayan kaya bumabalik at nagmumulto ang kanilang kaluluwa. Sa mga kwento madalas magmulto yung mga ni-rape o kaya yung mga pinatay nang walang laban, kung totoo yan bakit di multuhin ni Ninoy yung tunay na pumatay sa kanya o kaya ni Nida Blanca yung killer nya? diba? Pero alam nyo ba saan kayo makakakita ng mga tunay na multo? Sa mga beauty parlor at pa-contest ng Miss Gay doon maraming multo…
-aswang …eto ang pinakapaborito ko sa lahat, maraming category ang aswang, merong nagpapalit ng anyo at nagiging aso, baboy o kaya malaking ibon at marami pang iba. Meron ding manananggal, yan yung babaeng nahahati sa gitna ang katawan at yung mula tyan hanggang ulo nakakalipad dahil tinutubuan ng pakpak na gaya ng sa isang paniki, yung kalahati naman naiiwan doon sa landing area nya. Dumadapo daw ang mga aswang na ito sa mga bubungan, minsan may kasama pa itong side kick na ibong tiktik, paborito daw kainin ng mga aswang na ito yung sanggol sa loob ng tiyan ng isang buntis, kapag dumapo na ito sa bubungan hahaba ang dila nito papunta sa tiyan ng buntis para kainin yung sanggol sa loob ng kanyang tiyan. Ang tanong ko lang kung hati sa tiyan yung manananggal saan napupunta yung biktimang kinain nya?

Pero ako mismo may sarili ring paniniwala, kung paanong naniniwala akong di dapat isama ang puti sa de color sa paglalaba… nainiwala rin akong di lahat ng paniniwala ay dapat paniwalaan, at yan ang aking paniniwala bahala ka na kung maniniwala ka rin sa paniniwalang pinaniniwalaan ko!

picture by: kamalayan www.blogspot.com

kapalit





Pagtaas ng antas ng buhay ng tao, marami ang may gusto nito… sino nga ba ang ayaw ganito. Totoong malayo-layo na rin ang narating ng Pilipinas pagdating sa teknolihiyang pag-unlad, di man kasing unlad ng mayayamang bansa pero di rin naman tayo ang kulelat. Nagtataasang mga gusali, high tech na transportasyon tulad ng LRT at MRT, libo-libong mga kotse sa mga lansangan ng Metro Manila, mga appliances sa bahay na nakakapagpadali ng ating gawaing bahay, mga istablisimyentong kumukutitap tuwing gabi dahil sa dami ng ilaw nito, ilan lang yan sa maraming tanda ng pag-unlad ng Pinas sa laranganan ng teknolohiya. Ang alam ng marami sa atin maganda ang dulot ng lahat ng pag-unlad na yan, pero ang di natin alam ay kung ano ang nakatagong panganib sa likod ng mga ito. Isa na sa pinangangambahan ng mga ekspertong maaaring idulot nito ay ang tinatatawag na “global warming”, ito ay ang sobrang pag-init ng mundo, dahil ito sa sobrang pag-gamit at pagsunog natin ng krudo. Kapag di napigilan ang global warming maaaring matunaw ang mga bundok ng yelo na magiging sanhi ng pagtaas ng mga karagatan sa mundo, at kasama nang maapektuhan dito ang Pilipinas. Ayon sa mga nag-aaral ng climate change isa ang Metro Manila sa maaapektuhan ng pagtaas ng tubig na maaaring umabot hanggang sa anim na metro (6 meters).
Bukod sa global warming isa pang dahilan ng pagtaas ng tubig mula sa dagat natin ay ang pagkasira ng mga coral reef dito, ang isa namang dahilan ng pagkasira ng mga reef nangunguna na dyan ang pag-gamit ng mga dinamita sa pangingisda, pero di natin alam na nakakagawa rin tayo ng pang-aabuso sa mga coral reef na di natin napapansin, kagaya ng Boracay –maunlad, masaya at totoong dinarayo dahil sa ganda nito, pero nasisira na pala natin ang dagat pati na ang natural na yaman nito ng di natin napapansin dahil sa pagbulabog natin sa natural habitat nito, 8% na lang ng coral reef dito ang nasa maayos na kalagayan yung the rest sira na at patuloy pang nasisisra. Kapag naubos na ang coral reef, sa bawat hampas ng alon sa mga dalampasigan hihilahin nito pabalik sa dagat ang mga buhangin sa pampang na magiging dahilan ng pag-apaw ng tubig-dagat. Di rin madaling ibalik ang coral reef dahil sa limang taong pangangalaga dito ay isang pulgada lang ang maaaring ilaki nito, masyadong matagal. Pero di pa huli ang lahat, may pagkakataon pa para maiwasan ang global warming at climate change, sa simpleng pagtitipid sa pag-gamit ng kuryente, hindi pagtatapon ng mga basura sa ilog at dagat, pagtitipid ng pag-gamit ng tubig at pagkukumpuni ng mga sasakyan natin para di ito bumuga ng maitim na usok, at kung lahat tayo ay kikilos at tutulong na gawin ito mapipigilan natin ang galit ng kalikasan na tayo mismo ang may gawa. Hindi gaya ng mga Abu Sayyaf na pwedeng daanin sa peace talk at negosasyon ang pag-atake ng kalikasan, hindi rin ito usaping pang isang tao lang o pang isang bansa lang, lahat tayong mga nakatira sa mundong ito ay may pananagutan para magamot ang lumalalang sakit ng ating inang mundo. Wag nating masyadong ikatuwa ang pag-unlad dahil baka di natin kayanin ang magiging kapalit nito.

picture by: kamalayan www.flickr.com

Thursday, April 9, 2009

makabayan




kailangan pa ba akong magsalita dito?

kailangan pa ba akong magpaliwanag dito?

kayo ang dapat magsalita dito...

kayo ang dapat magpaliwanag nito...

bangon bayan.


video by: xixlixta youtube.com